January 26, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang pagbubuwis ng buhay ng SAF 44, isang dekada ang nakalipas

BALITAnaw: Ang pagbubuwis ng buhay ng SAF 44, isang dekada ang nakalipas
(MB file photo)

Isang dekada na ang nakalipas mula ngayong Sabado, Enero 25, nang masawi ang 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) sa madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Noong Enero 25, 2015 nang isagawa ng mga miyembro ng SAF ang “Oplan Exodus” na naglalayong tugisin ang secret hideout ni Zulkifli bin Hir, o mas kilala bilang Marwan, at Basit Usman sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Si Marwan ay isang Malaysian terrorist at bomb maker na naiulat na nag-organisa ng Bali Bombing noong 2002, Australian Embassy Bombing sa Jakarta noong 2004, at JW Marriot at Ritz Carlton Bombings sa Jakarta noong 2009. 

Sa gitna ng engkuwentro, nilabanan umano ng SAF commandos ang libo-libong mga rebeldeng Muslim. 

BALITAnaw

BALITAnaw: Bakit ipinagdiriwang ang ‘National Hugging Day’ tuwing Enero 21?

Samantala, na-corner sila at natalo pagdating sa dami bilang ng mga rebeldeng kanilang nakalaban mula sa mga pwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at iba pang armadong grupo sa lugar. Ngunit sa kabila nito’y hanggang sa huli ay buong tapang pa rin daw na lumaban ang elite soldiers upang iligtas ang mga na-trap nilang kasama, at doon na sila na-massacre sa Tukanalipao sa Mamasapano, Maguindanao.

Nakaligtas naman sa operasyon ang 13 nilang kasamahan sa SAF, at napatay rin kalaunan si Marwan at iba pang mga teroristang lumaban sa engkuwentro. Napatay naman ng mga awtoridad si Usman noong Mayo ng taon ding iyon.

Kahit sampung taon na ang nakalilipas, hanggang ngayon ay kinikilala ng bansa ang kabayanihang ginawa ng 44 sundalong nagbuwis ng buhay para sa seguridad ng bansa. 

Noong nakaraang taon lamang ay inilabas din ang isang dokumentaryong pinamagatang: "Fallen not Forgotten: The Untold Story of the Gallant SAF 44” upang hindi raw mabaon sa limot ang kanilang kuwento ng kabayanihan. Bukod dito, taong 2022 nang ilabas ang pelikulang “Mamasapano: Now It Can Be Told” na naging bahagi ng 48th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Samantala, sa gitna ng pagsaludo at mabubuting salitang ginagamit bilang paglalarawan sa SAF 44, isa ang hanggang ngayon din ay sigaw ng kanilang naiwang mga pamilya: hustisya.