Nasa itaas ang pangalan ng re-electionist na si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa balota para sa 2025 midterm elections, dahil “Bong Revilla” ang ginamit niyang apelyido.
Base sa ulat ng ABS-CBN News, inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na noong 2009 pa umano pinapalitan ni Revilla ang kaniyang apelyido sa “Bong Revilla.”
Dagdag ng ulat, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na naglabas ng desisyon ang Cavite Regional Trial Court (RTC) noong 2009 upang paburan ang hiling ng senador na gawing “Bong Revilla” ang kaniyang apelyido.
Hindi naman umano kinontra ng Office of Solicitor General ang desisyon ng Cavite RTC.
“May RTC decision po ng 2009 granting his petition to change name. OSG did not oppose,” ani Garcia.
Dahil dito, lalabas ang buong pangalan ni Revilla sa balota, na naka-“alphabetical order,” bilang “Bong Revilla, Ramon Jr.,” na pang-11 sa listahan ng senatorial candidates.
Matatandaang “Bong Revilla, Ramon Jr.” din ang ginamit na pangalan ni Revilla nang tumakbo siya bilang senador noong 2019.