January 25, 2025

Home BALITA National

Rep. Castro, 'di naniniwala kay SecGen Velasco na may 4th impeachment case vs VP Sara: 'Parang binobola niya kami'

Rep. Castro, 'di naniniwala kay SecGen Velasco na may 4th impeachment case vs VP Sara: 'Parang binobola niya kami'
Photo courtesy: ACT Teachers, OVP/Facebook

Hindi umano naniniwala si ACT Teachers party-list Rep. France Castro na may darating pang 4th impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang forum nitong Huwebes, Enero 23, 2025, tahasang iginiit ni Castro na tila hindi raw totoo kung may darating pang impeachment case.

“Hindi natin alam totoo nga ba yan o hindi... Pero wala akong nakikita na signal dito sa mga kasamahan namin sa House of Representatives, kahit na kasi tanungin mo sila, wala silang alam. Kaya kung wala na talagang darating na fourth complaint, ay dapat aksyunan na ito,” saad ni Castro.

Tahasan ding iginiit ng mambabatas na tila binobola lamang daw ang taumbayan sa nananatiling nakabinbing impeachment cases laban kay VP Sara dahil sa pagkaantala nito bunsod ng hinihintay na ikaapat na impeachment complaint.

National

‘Huli sa akto!’ Empleyado sa GenSan, sinubukan umanong lasunin ang boss niya

“Hindi ko alam kung parang gumigimik na lang ba talaga itong si SecGen (House Secretary General Reginald Velasco) or dahil nga wala pa talagang instructions sa kanya... Hindi pwedeng parang binobola niya ‘yung mga tao, parang binobola niya kami doon sa fourth complaint na ito... Hindi ko ma-feel na meron talagang fourth complaint,’ ani Castro.

Matatandaang nauna nang ihayag ni Velasco na hihinitay pa rin umano nila ang nakatakdang paghabol ikaapat na complaint upang maiakyat na nila ang lahat ng impeachment cases sa susunod na proseso.

“As I've said earlier po 'no, naghihintay po kami doon sa fourth complaint na tinatawag or consolidated complaint... Nakiusap po kasi sa 'kin itong mga House members e. Hintayin lang sila kasi alam ninyo naman ang dahilan kung gagamitin 'tong usual process, wala ng panahon para mag-prosper ito sa House of Representatives at trial sa Senado,” saad ni Velasco.

KAUGNAY NA BALITA: Impeachment complaints laban kay VP Sara, kapos pa rin sa suporta ng Kamara—House SecGen