Nagbigay ng reaksiyon si Senador Risa Hontiveros kaugnay sa anunsiyo na nakatakda na umanong makipag-usap si Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla sa International Criminal Court (ICC).
Sa inilabas na pahayag ni Hontiveros nitong Biyernes, Enero 24, sinabi niyang nakakapagbigay umano ng pag-asa ang nasabing anunsiyo na maisilbi ang tunay na hustisya para sa mga libo-libong biktima ng “War on Drugs” ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kung magkakaroon man ng pag-uusap sa pagitan ng ating gobyerno at ng ICC, makita sana ng gobyerno na kailangan nitong tumulong sa imbestigasyon, ‘di lang dahil sa treaty obligations natin, kundi lalo na para sa mga pamilya nina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman, at iba pang mga pamilya na matagal nang dumadaing ng hustisya,” saad ni Hontiveros.
Matatandaang naghain na si Hontiveros ng resolusyon sa senado noong Nobyembre 2023 upang hikayatin ang pamahalaan na makipagtulungan sa ICC hinggil sa imbestigasyon ng war on drugs ni Duterte.
MAKI-BALITA: Hontiveros hinimok pamahalaan na makipagtulungan sa ICC