Naglabas ng order ang Pasig City court na ilipat si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy mula sa private medical institution patungo sa isang government hospital, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa isang panayam nitong Biyernes, Enero 24, sinabi ni BJMP spokesperson Supt. Jayrex Bustinera na matapos ang natanggap na court order mula sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) ay pinoproseso na raw nila ang pag-transfer kay Quiboloy sa pampublikong ospital sa lalong madaling panahon.
“PDL (person deprived of liberty) Quiboloy was also ordered to be transferred to a public hospital per court order by RTC 159 Judge dated 23 January 2025,’’ ani Bustinera.
“Per info from the warden, they will be processing the transfer to the public hospital ASAP (as soon as possible). For transfer na ngayon sa public hospital.”
Hindi naman sinagot ni Bustinera kung na-confine si Quiboloy sa Medical City, dahil umano sa “security reasons.”
Matatandaang noong Enero 18 nang dalhin daw si Quiboloy sa ospital dahil hirap umano itong huminga matapos ma-diagnose na may pneumonia.
MAKI-BALITA: Quiboloy, dinala sa ospital matapos ma-diagnose na may pneumonia
Nananatili pa rin umano si Quiboloy sa kustodiya ng BJMP at isinasagawa pa rin daw ang strict security sa gitna ng kaniyang pagka-confine sa ospital.
Nahaharap ang pastor sa mga kasong tulad ng human trafficking at child abuse.