January 24, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Mga panganib na dulot ng lindol at mga dapat gawin upang maging ligtas dito

ALAMIN: Mga panganib na dulot ng lindol at mga dapat gawin upang maging ligtas dito
Courtesy: Phivolcs/FB

Nito lamang Huwebes, Enero 23, dalawang malalakas na lindol ang yumanig sa bansa. 

Dakong 7:39 ng umaga nang yumanig ang isang magnitude 5.8 sa Southern Leyte na nagdulot ng pinsala sa kabayahan tulad ng pagkabitak ng kalsada sa Liloan ng nasabing lalawigan.

MAKI-BALITA: Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

MAKI-BALITA: Dahil sa 5.8-magnitude na lindol: Kalsada sa Liloan, Southern Leyte, nagkabitak-bitak!

Human-Interest

Kilalanin si Lyka Jane Nagal, viral service crew na naluha sa trabaho nang makapasa sa LET

Samantala, ilang oras lamang matapos nito, dakong 11:41 ng umaga nang yanigin ng magnitude 5.4 na lindol ang lalawigan ng Zamboanga del Norte.

MAKI-BALITA: Lindol sa Zamboanga del Norte, ibinaba na ng Phivolcs sa magnitude 5.4

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), anumang oras o araw ay maaaring maganap ang lindol.

Kaya naman upang mas maging handa ang publiko, inihayag ng Phivolcs ang mga panganib na dulot ng naturang kalamidad:

Pagbitak ng lupa o ground rupture

Ayon sa Phivolcs, ang pagkabitak ng lupa matapos ang lindol ay karaniwang busod ng paggalaw ng active fault. Dahil dito, posible raw na masira ang istrukturang nakatayo sa ibabaw mismo ng active fault.

Liquefaction 

Ang liquefaction ay nangyayari tuwing umaastang parang likido ang lupa, kagaya ng kumunoy (quicksand), tuwing may lindol. Nagaganap ito sa mga lugar na malapit sa mga anyong tubig tulad ng baybayin. Karaniwang epekto nito ang paglubog o kaya naman ay pagtagilid ng mga istruktura, sand boil, at pagkabitak ng lupa (fissuring).

Pagyanig ng lupa o ground shaking 

Maaaring taas-baba o kaya naman ay pahalang ang paggalaw ng lupa tuwing may lindol. Kaya naman, maaring magdulot ang pagyanig ng pagkaguho, pagkasira o pagkabagsak ng istruktura. Maaari rito itong magdulot ng liquefaction at pagguho ng lupa, at pagbagsak ng kagamitan sa bahay.

Pagguho ng lupa o earthquake-induced landslides

Karaniwang nangyayari ang pagguho ng lupa, bato, o putik sa dalisdis ng bundok tuwing malakas ang lindol at pagyanig ng lupa. Nagbubunsod naman ito ng erosion o pagtabon ng lupa at bato na nagiging dahilan ng pagbara sa mga kalsada at ilog (damming).

Tsunami

Ang tsunami ay tumutukoy sa sunod-sunod na alon na madalas na nililikha ng malakas na lindol sa ilalim o malapit sa dagat. Ang epekto nito, anang Phivolcs, ay pagbaha; coastal erosion; pinsala sa mga ari-arian, at maging pagkalunod ng mga indibidwal.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nagbigay naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng mga dapat gawin upang maging ligtas sa gitna ng pagyanig ng lindol:

* Kapag nasa loob ng gusali o bahay, manatiling mahinahon at gawin ang “duck, cover, and hold.”

* Yumuko at magtago sa ilalim ng matibay na mesa at kumapit sa mga paa nito. Manatiling alerto sa mga banta ng panganib sa paligid.

* Umiwas sa mga bintanang salamin, mga aparador at mabibigat na gamit na maaaring mahulog.

* Matapos ang pagyanig, agad na lisanin ang gusali at pumunta sa evacuation area.

* Kapag naman nasa labas, pumunta agad sa open area tulad ng parking lot o parke.

* Lumayo sa mga gusali, puno, poste at mga lugar na may panganib ng pagguho ng lupa.

* Kapag nagmamaneho, itabi at hinto ang sasakyan at lumabas.

Manatiling ligtas sa anumang kalamidad, Ka-Balita!