Tuluyan nang kinilala at tinanggap ng Thailand ang same-sex marriage, matapos nitong isagawa ang kauna-unahang kasalanan para sa lahat ng kasarian sa kanilang bansa.
Bilang kauna-unahang bansa sa Southeast Asia na nagpatupad ng same-sex marriage, ayon sa tala ng ilang international news outlet, maraming pinagdaanan ang batas na nagsulong ng naturang karapatan para sa lahat ng kasarian sa Thailand.
2012
Naunang simulan ang draft ng naturang equality bill bilang Civil Partnership Bill noong 2012, ngunit taong 2023 pa nang tuluyan itong naiakyat sa National Assembly para sa proseso ng parliamentary consideration.
2022
Noong 2022, dalawang panukalang-batas patungkol sa same-sex marriage ang sinubukang itaas sa Parliament, ang Marriage Equality Bill na siyang aamyenda umano sa Civil at Commercial Code para sa lahat ng couples sa Thailand, habang ang isa naman ay ang Civil Partnership Bill na nagsusulong ng civil partnership.
Bagama't bahagyang umusad ang naturang mga panukalang-batas, tuluyan itong naibasura hanggang sa sumapit ang 2023 elections.
2023
Nobyembre 2023 nang ianusyo ni Prime Minister Srettha Thavisin na may inaprubahan na raw ng kaniyang administrasyon ang same-sex marriage bill.
Kasunod nito, ilang gender equality bill din ang isinalang pa sa parlamentaryo kasama ang mula sa Move Forward at Democrats. Ang lahat ng naturang equality bill ay nakakuha ng 269 boto.
Disyembre 21 ng parehong taon nang magdesisyon ang House of Representatives na bumuo ng isang komite na siyang mag-iisa sa lahat ng bersyon ng naturang mga panukala para sa equality bill.
2024
Marso 27, 2024 nang tuluyan nang aprubahan ng Kamara ang unified draft law ng equality bill na kumuha ng 400 kabuuang boto sa pagsalang nito sa ikatlong pagbasa.
Umakyat naman ang unang pagbasa sa senado noong Abril 2, 2024 na kumuha ng 147 boto. Habang Hunyo 28 ng kaparehong taon nang tuluyan na itong aprubahan ng Senado.
Tuluyan namang iniakyat ang equality bill kay Haring Maha Vajiralongkorn noong Setyembre 24, 2024 na may effectivity date na Enero 22, 2025.
2025
Enero 23, 2025, tuluyan na ngang isinagawa sa Thailand ang kauna-unahang same-sex marriage sa nasabing bansa. Bunsod nito, ang Thailand na ang pinakaunang bansa sa Southeast Asia na nagpatupad ng same-sex marriage at ikatlong bansa sa buong Asya na kumilala rito.
KAUGNAY NA BALITA: Thailand, kauna-unahang bansa sa Southeast Asia na nagpatupad ng same-sex marriage