January 24, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Kilalanin si Lyka Jane Nagal, viral service crew na naluha sa trabaho nang makapasa sa LET

Kilalanin si Lyka Jane Nagal, viral service crew na naluha sa trabaho nang makapasa sa LET
Photo courtesy: Screenshots from Caizer Jhon Lumibao, Lyka Jane Nagal (FB)

Naantig ang damdamin ng mga netizen sa video ng isang female fast food service crew matapos niyang matuklasan ang pagkakapasa niya sa Licensure Examination for Professional Teachers (LET/LEPT) noong Disyembre 13, 2024.

Sa viral video ng kaniyang kasamahang si Caizer Jhon Lumibao, makikita ang pagsilip nila sa resulta ng board exam sa Professional Regulation Commission (PRC) sa pamamagitan ng cellphone.

Kahit on-duty, hindi napigilan ng board passer na si Lyka Jane Nagal ang mapatalon sa tuwa matapos mapag-alamang nakapasa na siya sa LET at isa nang ganap na guro.

Agad na ipinagbigay-alam ni Lyka ang tagumpay sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang ina.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Maya-maya, saglit na napaupo na si Lyka at naging emosyunal sa isang sulok. Maya-maya, tumayo na rin siya at nagpatuloy sa kaniyang trabaho.

Pumalo na sa million views ang nabanggit na video sa iba't ibang platforms.

MAKI-BALITA: 'Ma, teacher na ako!' Video ng fast food service crew na pasado sa LET, kinaantigan

Sa Facebook posts ni Teacher Lyka ay makikitang kinilala pa siya ng fast food chain at mga kasamahan dahil sa pagiging viral at tagumpay na nakamit niya. Isa pa, kinilala rin ang husay niya sa kaniyang trabaho. 

SI TEACHER LYKA BILANG WORKING STUDENT

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Lyka, sinabi niyang siya ay 20 anyos at taga-Sta. Rosa, Nueva Ecija. Kasalukuyan pa rin siyang nagtatrabaho sa McDonald's na nasa loob ng SM Cabanatuan. Siya rin ay graduate ng degree program na Bachelor of Secondary Education, major in English, sa Holy Cross College sa kanilang lugar.

Nang tanungin siya kung talaga bang pinangarap niyang maging guro noong bata pa lamang siya, sinabi niyang ang tanging nais lamang daw niya ay maging "happy person." Pero sa tingin daw niya, nakuha niya ang ideya ng pagiging isang guro nang naglalaro na sila ng mga kalaro niya ng teacher-teacheran kung saan gumaganap siya bilang guro. Kaya hindi raw niya akalaing ang na-manifest niya noong bata pa siya, matutupad, at tila ito talaga ang nakatadhana para sa kaniya.

"Parang pinagsamang pangarap at destiny na rin po siya," giit ng bagong lisensyadong guro.

Tatlong taon na raw siyang nagtatrabaho sa nabanggit na fast food chain, at alam naman daw ng mga kasamahan niya na isa siyang working student, kagaya rin ng iba. Sa tagal na niya sa nabanggit na trabaho ay napansin na ang kaniyang galing at sipag' sa katunayan, kinokonsidera daw niya ang pagtanggap sa managerial position na iniaalok sa kaniya.

Sobrang thankful daw siya sa pamunuan ng fast food chain dahil very supportive daw sila sa kaniya at sa iba pang kapwa working student, lalo na sa oras ng pagpasok sa duty. Masasabi raw niyang nakatulong talaga ang kinikita niya sa trabaho para ma-sustain ang kaniyang pag-aaral at iba pang mga pangangailangan, idagdag pa ang pagiging scholar niya. Nakakatulong din siya sa kaniyang pamilya lalo't may isa pa siyang kapatid na pinag-aaral ng kaniyang mga magulang.

ANG KUWENTO SA LIKOD NG VIRAL VIDEO

Isinalaysay naman ni Teacher Lyka na sobra siyang natuwa sa kaniyang mga kasamahang nakisaya sa kaniyang tagumpay, nang malaman nilang pasado na siya sa LET. Bago pa raw mag-Disyembre 13 ay inaabangan na raw talaga nila ang paglabas ng resulta. Tila mas excited pa raw ang mga kasamahan maging ang mga manager sa kaniya dahil lagi raw siyang tinatanong kung teacher na ba siya o LPT na siya.

Nang mga sandaling iyon naman daw, habang abala sila sa pag-aasikaso ng mga order, ay lumabas na nga ang resulta. Mabuti na lamang daw at hindi gaanong maraming customers ng mga sandaling iyon o "lean hours."

Habang abala naman daw siya sa pagtulong sa pag-asikaso ng drink orders ay mga manager na raw niya ang nag-check online sa resulta. Nang makita raw ang pangalan niya sa listahan, agad daw siyang nilapitan ng managers para ipamalita ito sa kaniya. Nagkataon namang lowbat na ang kaniyang sariling cellphone, kaya sa ibang cellphone pa siya nakatingin.

Tuwang-tuwa raw siya nang makita ang kaniyang pangalan at hindi maiwasang hindi maging emosyunal. Agad daw niyang tinawagan ang kaniyang ina para sa magandang balita.

Proud si Teacher Lyka sa kaniyang achievement dahil siya ang kauna-unahang graduate sa kanilang magpipinsan ng four-year degree program, at board passer pa.

Bagama't nahiya rin dahil "nag-moment" siya sa kalagitnaan ng trabaho, hindi na raw talaga napigilan ni Teacher Lyka na maiyak. Malaking bagay raw kasi ito para sa kaniyang pamilya. Sa pagmamanifest niya na maging isang LPT, nag-print pa raw siya ng larawan ng lisensya at ipinaskil sa dingding ng kaniyang kuwarto, at naglagay pa raw nito sa kaniyang pitaka.

"Bumuhos na lahat ng emosyon, parang nag-sink in na, legit na talaga, lahat ng mga pinaghirapan ko, ipinanalangin ko, heto na siya," masayang sabi ni Teacher Lyka.

Nagkataon pang kaarawan din ng kaniyang ina nang araw na iyon, kaya tamang-tamang bumili rin siya ng cake para sa kaniya, at ginamit niyang pambili ang cash prize na napanalunan bilang "stand-out performer" sa pinanglilingkurang fast food chain.

MGA HAMONG KINAHARAP SA REVIEW AT MISMONG PAGKUHA NG BOARD EXAM

Naibahagi rin ni Teacher Lyka na sa panahon ng kaniyang review journey, ang numero unong kalaban daw ng lahat ng board takers, lalo na ng future LPTs, ay sarili nila.

"Isipin mo kung ano talaga 'yong gusto mong mangyari, gusto mo bang pumasa? Gusto mo bang matulog lang sa hapon? Gusto mo bang mag-review? Gusto mo bang makita 'yong pangalan mo sa result ng boards kapag lumabas na?" aniya.

Naranasan daw niya ang iba't ibang hamon sa pagre-review gaya ng kakulangan sa review materials, kagustuhang mag-review subalit sumasabay sa schedule ng trabaho, o kaya naman, tumutupad ng tungkulin sa pagiging intern. Bilang practice teachers kasi ay napasabak na agad sila sa pagtuturo ng mga estudyante.

Sa dami ng mga ganap sa buhay niya, pinanghawakan niya ang panalangin sa Diyos na sana ay makayanan niya ang lahat, at bigyan siya ng disiplina para matupad ang lahat.

"Hindi mawawala 'yon eh, hindi mo na alam gagawin mo, may mga moments na gusto mong itulog mo na lang, matutulala ka na lang, so kalaban mo 'yong sarili mo... kailangang marunong kang mag-decide, kailangan alam mo 'yong gusto mong mangyari," saad niya.

Sa aktuwal namang pagkuha ng LET, nawindang si Teacher Lyka nang dito na bumuhos ang mga hindi niya

inasahang challenges na "yumanig" sa kaniya, gaya nang masiraan pa siya ng black shoes na suot niya. Pinigilan daw niyang maiyak dahil baka masira ang kaniyang pokus at masayang ang lahat ng kaniyang pinaghirapan.

Bagama't hindi raw sila naniniwala noong una sa mga pamahiin gaya ng pagpapatasa ng gagamiting lapis sa mga topnotcher at pagsusuot ng pulang underwear, ay sinunod na rin niya sa bandang huli.

MGA BALAK PAGKATAPOS MAGING BOARD PASSER AT MENSAHE SA LAHAT

Nang matanong kung lilisanin na niya ang fast food chain para mapraktis na niya ang propesyon, sinabi ni Teacher Lyka na nag-eenjoy pa siya sa trabaho, at tila nagagawa rin naman niyang maging "teacher" sa customers' service gayundin sa pagtuturo sa co-workers.

Sumubok na raw siyang mag-aplay sa iba't ibang paaralan, sa high school man at sa kolehiyo, subalit sa tingin daw niya, mas nais niyang magturo ng Professional Education courses kaysa sa kaniyang majorship. Isa pa, wala pang vacancy dahil nang lumabas ang resulta ng LET, ay hindi pa tapos ang school year. Kaya sa kasalukuyan, nananatili pa rin siya sa trabaho bilang service crew.

Sa pagkuha naman ng master's degree, sa kasalukuyang financial status daw niya ay hindi pa niya makakayang kumuha pa sa ngayon, subalit hindi naman daw niya sinasara ang pintuan para dito.

Pinasalamatan naman ni Teacher Lyka ang lahat ng mga taong nakatulong sa kaniyang journey, magmula sa kaniyang mga kapamilya, kaanak, kaibigan, mga naging guro, at mga kasamahan at managers sa pinaglilingkurang fast food chain.

Nag-iwan din siya ng mensahe para sa mga kagaya niyang nangarap na mapagtagumpayan ang board exam.

"Hindi sa exam natatapos ang lahat, so you always need to improve yourself personally, your behavior, your attitude, especially your mindset."

"Kailangang-kailangan natin 'yan mga ka-teacher, lalong-lalo na kung gustong-gusto mo 'yong propesyon mo. Ang goal natin dito maging masaya tayo. Ang goal natin dito, matupad 'yong pangarap natin. So we can always do everything para masunod o matupad 'yong pangarap natin na 'yon."

"Laging tatandaan, life doesn't have a template. Hindi natin kailangang gumaya sa iba, hindi natin kailangang magkaroon ng meron 'yong iba. You have to utilize every resources that you had, and you have to be mindful enough of your current mental situation..." aniya.

Congratulations, Teacher Lyka!