“Ang totoong pambubudol ay yung ginawa ng mga nag-fake news laban sa bill…”
Binuweltahan ni Senador Risa Hontiveros ang naging pahayag ni Senador Joel VIllanueva na tumawag sa Prevention of Adolescent Pregnancy Bill bilang “pambubudol.”
Sa isang press conference nitong Huwebes, Enero 23, iginiit ni Hontiveros na hindi umano pambubudol ang Senate Bill 1979, bagkus ay ang totoo raw na nambubudol ay ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil dito.
“Ang totoong pambubudol ay yung ginawa ng mga nag-fake news laban sa bill. Ang totoong pambubudol ay yung mga nagkalat ng disinformation at nanakot sa ating sambayanan sa pamamagitan ng kanilang social media operation,” ani Hontiveros.
“Ang totoong pambubudol ay yung mga nagsinungaling tungkol sa bill!”
Hinamon din ng senadora ang mga kritiko ng panukalang batas kung nasaan umano sa Senate Bill 1979 ang tungkol sa pagtuturo ng “masturbation” sa mga bata.
“Doon sa original na Senate Bill 1979, sige nga, ituro nila kung nasaan doon yung pagtuturo ng masturbation sa 0 to 4 years old, o pagtuturo sa mga bata tungkol sa sexual feelings at sexual rights,” giit ni Hontiveros.
“Aba, inamin na nila sa isang na wala doon sa text ng orihinal na Senate Bill 1979. So sino ngayon ang nambubudol?”
Matatandaang kamakailan lamang ay iginiit ni Villanueva na huwag umano “basta-basta magpabudol” sa Prevention of Adolescent Pregnancy Bill matapos niyang magpaabot ng suporta sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ibi-veto raw nito ang panukala kung maipasa raw ito sa kasalukuyan nitong mga nilalaman na may kasama umanong pagtuturo ng “masturbation,” bagay na itinanggi ni Hontiveros.
MAKI-BALITA: Sen. Villanueva sa Prevention of Adolescent Pregnancy Bill: 'Wag basta-basta magpabudol!'
MAKI-BALITA: PBBM, ibi-veto ang Adolescent Pregnancy Bill: ‘This is ridiculous’
MAKI-BALITA: Sen. Risa kay PBBM: 'Wala po sa Adolescent Pregnancy Bill kahit ang salitang masturbation'