Nagkabitak-bitak ang isang kalsada sa Liloan, Southern Leyte dahil sa yumanig na magnitude 5.8 na lindol nitong Huwebes ng umaga, Enero 23.
Makikita sa Facebook post ng uploader na si Jonathan Guliban, 34-anyos, ang pagkasira ng bahagi ng isang kalsada sa kanilang lugar sa Brgy. Himayangan, Liloan, Southern Leyte.
Eksklusibong nakapanayam ng Balita si Guliban kung saan ibinahagi niya ang kanilang naging karanasan nang yumanig ang magnitude 5.8 na lindol dakong 7:39 ng umaga nitong Huwebes.
Aniya, tumagal ng tinatayang 20 segundo ang naranasan nilang pagyanig at talagang malakas daw ito kaya’t lahat sila ay napalabas na lamang ng kanilang bahay para sa kanilang kaligtasan.
“Nag-panic po kaming lahat dito sa bahay, lumabas kaming lahat saka nagsigawan yung mga bata. Yung last impact kasi po ay sobrang lakas,” kuwento ni Guliban.
“Napa-bounce po kami sa tinatayuan namin, parang nag-up and down yung mga hiling segundo,” dagdag niya.
Matapos ang lindol, doon na raw nakita nina Guliban ang nagibang kalsada tinatayang 20 metro ang layo mula sa kanilang tahanan.
Ligtas naman daw sina Guliban maging ang mga kapwa niya residente sa kanilang barangay.
Base sa huling tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), namataan ang epicenter ng nasabing magnitude 5.8 na lindol 6 kilometro ang layo sa timog-silangan ng San Francisco, Southern Leyte, na may lalim na 14 kilometro.
Naramdaman ang Intensity V sa tinitirhan nina Guliban na sa munisipalidad ng Liloan sa Southern Leyte.
Patuloy pa ring pinag-iingat ng ahensya ang mga residente sa mga kalapit na lugar sa posibleng aftershocks ng lindol.
MAKI-BALITA: Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8