“Skills will bring you to more places more than your money can,” -Kach Umandap
Marami ang tila napa-”Sana All!” sa tagumpay ng kauna-unahan at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo na si Kach Umandap sa edad na 36 taong gulang.
Sino ba naman ang hindi mapapahanga sa ginawa niyang kasaysayan matapos niyang puntahan ang pitong kontinente at 193 bansa sa buong mundo sa loob ng 12 taon? Kaya naman para sa mga nagbabalak na simulan ang “travel journey,” o ‘di naman kaya ay nagbabalak na gawing posible ang kani-kanilang bucket list, ibinahagi ni Kach ang kaniya raw maipapayo.
Bunsod nito, kamakailan nga ay nagsunod-sunod ang naging pagkilala ni Kach magmula nang makabalik siya ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: 'No. 1 most traveled Filipino citizen globally' sinalubong sa Mactan airport
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Kach, inilahad niya ang kaniyang naging matagumpay na paglalakbay at kaniyang diskarte at trabaho mundo ng virtual assistance at kung ano raw ang napatunayan niya bilang isang Pilipino saan mang panig ng mundo.
Si Kach at ang interes niya sa paglalakbay
Ayon kay Kach, bago pa lamang daw siya maging Overseas Filipino Worker (OFW) at simulang libutin ang iba’t ibang bansa, noon pa man ay suki na siya ng iba’t ibang educational tours.
“Before I left the Philippines, before that, nag-travel ako sa Philippines, extensively, pero yung way na kaya lang ng mga estudyante. ‘Di ba ang daming field trips mula elementary, highschool, college,” saad ni Kach.
Mas naging aktibo pa siya noon sa kolehiyo sa pagsama sa mga academic organizations kung saan mas nagkaroon pa raw siya ng pagkakataong makalibot sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
“Pagdating sa college, naging active kasi ako sa acad orgs, sorority, may mga outreach programs kami, so andami kong pinuntahan na nag-travel din talaga ako within Philippines,” ani Kach.
Ikinuwento rin ni Kach na parte na rin aniya ng kaniyang pangarap mula pagkabata ang makapag-travel.
“Parang ang gusto ko lang dati ay makapag-travel, tapos maging nasa TV ako, kumakain tapos tuma-travel kung saan-saan. Ayun yung parang gusto kong gawin,” giit ni Kach.
Kaakibat ng paglalakbay ni Kach na inabot ng 12 taon, ay ang pagsabay ng pandemya, kung saan mas nagkaroon daw siya ng panahon upang kumita ng pera.
Si Kach bilang “Digital Nomad”
“I was actually in Montenegro during the time of Pandemic,” ani Kach.
Dagdag pa niya, “Noong pandemic umuso yung food delivery, online shopping. At dahil nga umuso yung food delivery sa America at sa Canada, kaya mas lumakas yung mga negosyo na order online. So mas kailangan nila ng mga food delivery service at kung sino yung mag-aassist sa kanila. At sino ang magagaling mag-English? Filipinos.”
Marami na ring naturuan si Kach na mga tao kung paano maging virtual assistant na kalaunan ay nag-travel na rin. Bitbit din ni Kach ang kaniyang trabaho kahit saang bansa man siya pumunta.
Saad pa niya, may mga bansa na rin daw kasing tumatanggap ng “digital nomads.”
“Kaya ng aine-encourage ko yung mga Filipino na you can do digital nomad. Alam mo you can live now in Europe, in Spain, Italy and another countries, even in Croatia, Montenegro because they have digital nomad visas. You just show proof that you work online, then you could live there for at least one year,” saad ni Kach.
Mga scam sa ibang bansa
Napagtagumpayan man daw ni Kach ang paglalagalag sa 193 mga bansa, saad niya, hindi rin daw siya nakaligtas na mabiktima ng mga masasamang loob sa mga napuntahan niyang bansa.
Hindi raw inakala ni Kach na makararanas siya ng scam na puwedeng mangyari sa kaniya sa mga sikat na bansa.
Pagbabahagi ni Kach, “Marami na akong experiences na na-scam ako, naloko ako. Marami na, pero it’s charge to the experience and charge to the stories that I’m going to tell. Alam mo yung mga scam na nababasa mo lang, ang dami kong na-experience. Yung paa mo, biglang bibigyan ng dumi yung paa mo tapos biglang ano wala na agad yung lahat ng gamit mo.”
Payo ni Kach sa mga nangangarap na libutin ang buong mundo
Bilang isang manlalakbay na sanay mawalan, maloko at maligaw, mahigpit ang pagtangan ni Kach sa diskarte.
“As of right now, I want the kids to understand that there's an alternative career to travel. Hindi na yung kagaya yung old school na magpipiloto ka or magku-cruise ship ka or consultant or may international kind of work. You can work as long as you have a laptop. But you have to learn skills and at the same time you have to network.”
Dagdag pa ni Kach, may iba’t ibang porma man ng edukasyon, para sa kaniya, mas importante pa rin daw ang edukasyong makakapagpalago sa kakayahan ng isang tao.
“Education is very important but not the old school of education. Having a degree is a must for your parents to feel proud of you. But what kind of education that you need is like anything that would enhance or upskill you, and traveling is a really good way to upskill your life and lessons.”
Ang karangalan at kuwentong inuwi ni Kach sa Pilipinas ay patunay na ang buhay ay isang mahabang paglalakbay. Kailangan mong piliin at hasain ang mga bagay na kailangan mong dalhin upang makapagpatuloy at makarating sa ‘yong destinasyon.
Ikaw? Anong dream destination mo?