Nakakain ka na ba ng Pomegranate?
Sikat ngayon ang pomegranate fruit trend sa TikTok, kung saan kabi-kabilang netizens ang nagfe-flex kung paano kinakain at kung ano-ano pang puwedeng ilahok dito na magko-complement sa lasa ng nabanggit na prutas.
Ang pomegranate ay isang prutas na may pulang balat kadalasan minsan naman ay pink, yellow or kaya naman ay purple at puno ng maliliit na buto na makatas at matamis-asim ang lasa.
Nahuhumaling sa kakaibang ganda at sarap ng prutas na ito ang marami. Tampok sa iba’t ibang video ang paraan ng pagbubukas ng prutas, maging ang kulay nito at ang makatas nitong laman na sakto lang daw ang pinaghalong tamis at asi na nagbibigay ng kakaibang aesthetic appeal sa social media.
Bukod sa ganda nito, ginagamit din ang pomegranate sa samu’t saring pagkain at meryenda. Isa sa mga entry na mapapanood sa TikTok ay ang dried fruit sheets na may sawsawang sauce at asin, na nagbibigay ng kakaibang timpla ng tamis at alat.
Ang pomegranate ay nagmula sa Iran, India, at Mediterranean region at naging mahalagang bahagi ng iba't ibang kultura, lalo na sa Persiano, Griyego, at Romano, bilang simbolo ng pagkamayabong at kasaganaan.
Ngayon, ito ay itinatanim sa mga bansang may tropikal at subtropikal na klima, tulad ng Spain, Turkey, Egypt, at California. Nabibili na rin ang pomegranate sa mga grocery stores ng Pilipinas.
Bukod sa sarap nito, ang pomegranate ay mayaman sa Vitamin C, Vitamin K, Folate, Potassium, Fiber, at Antioxidants, na may malaking benepisyo sa kalusugan. Nakakatulong ito sa pagpapalakas ng immune system, puso, at utak, at may potensyal din itong labanan ang pamamaga at pagdami ng cancer cells.
Dahil sa mga sustansyang taglay nito, mainam daw na isama ang pomegranate sa pang-araw-araw na diyeta sa pamamagitan ng pagkain ng hilaw, pag-inom ng juice, o paggamit bilang sangkap sa iba't ibang lutuin.
Ilan sa mga sikat na social media personalities ang kumasa sa trend na ito, kabilang na sina Bretman Rock, Jen Barangan at Benedict Cua.
Narito ang ilan sa mga trending na pomegranate recipes’
1. Pomegranate Yogurt Bites
Isang masarap at malusog na meryenda na binubuo ng pomegranate seeds na binalot sa yogurt, pinalamig, at pagkatapos ay nilubog sa tinunaw na tsokolate. Madali itong gawin at perpekto para sa mga naghahanap ng mabilisang meryenda.
2. Pomegranate Sorbet
Isang nakakapreskong dessert na gawa sa sariwang pomegranate juice, tubig, asukal, at mga pampalasa tulad ng cinnamon at star anise. Mainam ito para sa mga naghahanap ng alternatibong panghimagas na hindi masyadong matamis.
3. Pomegranate Salad
Isang simpleng salad na pinagsasama ang pomegranate seeds, sariwang gulay, at iba pang sangkap upang makagawa ng masustansyang pagkain. Ang kombinasyon ng tamis at asim mula sa pomegranate ay nagbibigay ng kakaibang lasa sa salad na ito.
4. Pomegranate Molasses
Isang makapal at matamis-asim na syrup na gawa sa pinakuluang pomegranate juice. Karaniwang ginagamit ito sa mga Middle Eastern na lutuin bilang pampalasa o dressing sa iba't ibang putahe.
5. Pomegranate Salsa
Isang masarap na salsa na pinagsasama ang pomegranate seeds, kumquat, at iba pang sangkap. Perpekto itong ipares sa mga chips o bilang topping sa iba't ibang ulam.
6. Pomegranate Juice
Isang sariwang inumin na gawa sa pomegranate seeds. Bukod sa masarap, puno rin ito ng antioxidants na mabuti para sa kalusugan.
7. Pomegranate Chocolate Clusters
Isang matamis na meryenda na binubuo ng pomegranate seeds na binalot sa tinunaw na tsokolate. Madali itong gawin at siguradong magugustuhan ng lahat.
Patuloy ang paglaganap ng trend na ito, na nagpapakita ng lumalaking interes ng publiko sa masustansya at masarap na pagkain.
Mariah Ang