Kailangan ngayong operahan ang isang turistang Pinay matapos siyang mabangga ng tren habang nagpipicture umano sa Taiwan.
Ayon sa international media outlet sa Taiwan, nabangga ng tren ang Pinay habang nagpipicture umano sa kahabaan ng Shifen Sky Lantern Old Street sa Pingxi District, New Taipei noong Lunes, Enero 20.
Ang naturang lugar ay kilalang tourist destination sa Taiwan kung saan makikita roon ang mga local food, souvenir shops, at rail line.
Dagdag ng ulat, nagtamo umano ng sugat sa ulo, dibdib, at pelvis ang 'di pinangalanang babae. Agad namang rumesponde ang mga police at paramedic at dinala ang babae sa ospital.
Samantala, sa isang pahayag na iniulat ng GMA News, sinabi ni Manila Economic Cultural Office (MECO) chairperson Cheloy Garafil na mag-isa lang ang Pinay sa kaniyang travel pero sumama raw ito sa isang tour.
“Na-inform na din kaanak niya. She's stable and conscious but needs to undergo surgery because of her injuries,” ani Garafil.
Nakikipag-ugnayan rin daw sila sa travel agency ng Pinay, na siyang bahala sa kaniyang mga gastusin sa pagpapagamot sa pamamagitan ng insurance,
Kaugnay nito, nagbigay-paaala rin ang Railway Bureau ng Taiwan sa mga taong tatawid sa mga riles ng tren na gawin ang "stop, look, and listen" upang matiyak na walang paparating na tren.