Nagbigay ng pahayag si Senador Risa Hontiveros kaugnay sa iniurong na pirma ng ilang senador sa inakda niyang Senate Bill 1979 o “Prevention of Adolescent Pregnancy Act.”
Sa inilabas na pahayag ni Hontiveros nitong Miyerkules, Enero 22, sinabi niyang nauunawaan daw niya ang pagbawi ng mga senador na sina JV Ejercito, Nancy Binay, Bong Go, Cynthia Villar, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla sa kanilang pirma.
MAKI-BALITA: 4 na senador, binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill
“Naintindihan ko na baka may mga konsiderasyon silang inisip na nagtulak sa pag-withdraw nila sa isang Bill na naglalayong tumugon sa tumataas na kaso ng teen pregnancy,” saad ni Hontiveros.
“Gayunpaman, umaasa po ako na basahin nila ang substitute bill na plano ko pong i-file na nagsasaalang-alang sa mga pangamba ng iba’t ibang grupo,” dugtong pa niya.
Matatandaang mainit na pinag-usapan ang Senate Bill 1979 matapos ibahagi ng Project Dalisay ang isang video na tumatalakay sa panganib umano ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) dahil ituturo umano sa pamamagitan nito ang “early childhood masturbation” at “try different sexualities.”
Ngunit pinabulaanan ito ni Hontiveros sa pamamagitan ng isang video message matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ibi-veto raw niya ang panukalang batas kapag naipasa ito.
MAKI-BALITA: Sen. Risa kay PBBM: 'Wala po sa Adolescent Pregnancy Bill kahit ang salitang masturbation'