Naniniwala si Senador Win Gatchalian na walang blangko sa 2025 national budget, dahil kung mayroon daw ay hindi sana ito magbabalanse.
Sinabi ito ni Gatchalian sa isang panayam nitong Martes, Enero 21, matapos ang naging pahayag kamakailan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagkakaroon umano ng mga blangko sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
“Kung may blangko, hindi magbabalanse. Kailangang balanse ang budget, balanse yung, for example, yung House amendments, Senate amendments, and of course yung final product ng GAA. Dapat balanse ‘yan,” ani Gatchalian.
“So ang iniisip ko, kung blangko yan, hindi magbabalanse ‘yan.”
Ayon pa sa senador, nang dumaan daw sa kaniya ang bicam report ay wala siyang nakitang blangko rito, at hindi rin naman daw pipirmahan ng chairperson ng komite kung mayroon man.
“Sa akin and my team wala kaming nakita blangko. Kasi dapat balanse. Yun ang tinitingnan namin parati,” saad ni Gatchalian.
Matatandaang noong Sabado, Enero 18, nang sabihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na Duterte na tila may nakikita raw siyang mali sa budget ng bansa ngayong taon.
“For sure sa exact standard ng ating batas, lalo na money appropriations must appear true and correct value what would be application for public money. Pagka gano’n there’s something terribly wrong,” saad ni Duterte.
“As a matter of fact, kung may mga blangko ‘yan lumusot, that is not a valid legislation. Kung sa batas na ‘yan, lumabas na ‘yan ng blangko-blangko, either it could be filled up before or after,” dagdag niya.
MAKI-BALITA: FPRRD sa 2025 national budget: 'There's something terribly wrong!'
Samantala, naglabas na rin ng pahayag ang Malacañang at si Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa umano'y fake news tungkol sa 2025 national budget.
MAKI-BALITA: Malacañang, kinondena pagpapakalat ng fake news tungkol sa 2025 national budget
MAKI-BALITA: PBBM, dumipensa sa mga alegasyon ni FPRRD sa 2025 nat'l budget: 'He's lying!'