Naniniwala si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi magkakaroon ng samaan ng loob sa hanay ng pulisya kung palalawigin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang termino ni Philippine National Police (PNP) chief Rommel Marbil nang anim pang buwan.
“Six months lang naman ang extension at most so I don’t see any reason. Mas nagiging importante iyon stability ng institution lalong-lalo na during elections,” ani Remulla sa isang press briefing nitong Martes, Enero 21.
Sinabi ito ni Remulla matapos niyang isiwalat na sinabi ni PBBM na “inclined” siyang palawigin ang termino ni Marbil bilang hepe ng PNP.
“He hasn’t announced it but he’s indicated that he’s inclined to doing it. So, wala pang final answer. Ang birthday yata ni General Marbil is February 7, so before that he will announce kung ano ang desisyon niya,” saad niya.
Samantala, sinabi rin ni Remulla na mayroon na raw mga pangalan ng nominado na papalit kay Marbil bilang PNP chief.
“Siyempre nasa top sila ng hierarchy so it’s the President’s prerogative to announce kung sino ang choice niya,” aniya.
Nakatakda sanang mag-retire si Marbil sa kaniyang ika-56 kaarawan sa Pebrero 7, 2025 dahil sa mandatory retirement age na 56.
Matatandaang sa isang ambush interview noong Lunes, Enero 20, ay sinabi na rin ni PBBM na kinokonsidera niyang palawigin ang termino ni Marbil dahil nakikita raw nilang hindi magiging maganda kung magpapalit ng liderato sa PNP sa gitna ng panahon ng kampanya para sa paparating na 2025 midterm elections sa Mayo.
MAKI-BALITA: PBBM, kinokonsiderang i-extend termino ni Marbil bilang PNP chief