January 21, 2025

Home BALITA National

Pamumuno ni Trump sa US, malaking peligro sa national interest ng PH – Maza

Pamumuno ni Trump sa US, malaking peligro sa national interest ng PH – Maza
(file photo)

Iginiit ni Makabayan president Liza Maza na magiging malaking peligro umano sa national interest ng Pilipinas ang pagbabalik ni United States (US) President-elect Donald Trump sa White House.

Nitong Martes, Enero 21, (Manila time) nang isagawa ang inagurasyon ni Trump bilang pangulo ng US matapos niyang manalo sa halalan noong Nobyembre 2024 kontra kay incumbent US Vice President Kamala Harris.

Kasabay ng inagurasyon ni Trump ay sumama si Maza sa mga aktibista mula sa iba’t ibang grupong nagsagawa ng kilos-protesta malapit sa US embassy sa Maynila.

"Alam na natin ang karakas nitong si Trump - hangal, macho-fascist, chauvinist. Matindi ang peligro na dala ni Trump sa national interest ng bansa at karapatan ng ating mga kababayan sa US," pagbibigay-diin ni Maza.

National

PISTON, kinondena walang habas na pagtaas ng presyo ng langis

Ayon sa Makabayan president, ang nagdaang pahayag ni Trump ukol sa pagkakaroon ng kontrol sa Panama Canal at pagsasanib sa Greenland upang kontrahin ang China ay isa raw “madman strategy” na maaaring umabot sa West Philippine Sea (WPS) at makaapekto sa regional stability at Philippine sovereignty.

"We can expect such outrageous and blatant US intervention applied in the Asia Pacific and the Philippines, given our strategic location amid the US-China power competition. America's nine EDCA bases here, the increased joint military and maritime exercises in the West Philippine Sea, and other US military interventions to contain China could all expand under the Trump presidency,” giit ni Maza.

“Trump could easily stoke more tension and warmongering in the region at the expense of our sovereignty and security," dagdag niya.  

Samantala, binanggit din ni Maza na libu-libong mga Pilipino umano ang maaapektuhan sa ipinangako ni Trump na paglulunsad ng “largest deportation drive” sa kasaysayan ng US, lalo na’t mayroon daw humigit-kumulang 309,000 undocumented Filipinos sa naturang bansa. 

"Libu-libo sa ating mga kababayan ang napipilitang mag-TNT sa US dahil sa malubhang krisis sa trabaho sa Pilipinas. Sinisikap nilang mabuhay nang marangal. Ang di-makataong pagtrato sa kanila ni Trump na para bang mga pusakal na kriminal ay hindi katanggap-tanggap. No self-respecting country should allow such a treatment of its people," ani Maza. 

Sa kabila nito, iginiit ng dating kongresista na hindi raw siya umaasang agad na gagawa ng aksyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nasabing mga isyu.

"Given his track record, I'm not hopeful that Pres. Marcos Jr. will be proactive amid the prospects of greater US military intervention and instability in the region and the repression of Filipino immigrants,” ani Maza.

“Progressive and patriotic forces and the Filipino people must relentlessly challenge and push the Marcos regime to stand up for the country and our people. This is our best hope in the next three years of a Trump-Marcos regime," saad pa niya.

Nito lamang ding Martes nang magpaabot ng pagbati si Pangulong Marcos para kay Trump.

MAKI-BALITA: PBBM kay Donald Trump: ‘I look forward to working closely with you’