Nagpaabot ng pasasalamat si Senador Joel Villanueva kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagsuporta nito laban sa Senate Bill 1979 o Prevention of Adolescent Pregnancy Bill.
MAKI-BALITA: PBBM, ibi-veto ang Adolescent Pregnancy Bill: ‘This is ridiculous’
Sa video statement na inilabas ni Villanueva nitong Lunes, Enero 20, sinabi niyang hindi raw nabalewala ang pahayag ng pagtutol ng milyon-milyong Pilipino sa nasabing panukalang batas.
“Hindi po nabalewala ang ating mga pahayag noong nakaraang linggo maging ang mariing pagtutol ng milyon-milyong mga magulang at mga grupo dahil malinaw nga po na nakarating ito sa ating mahal na pangulo,” saad ni Villanueva.
Dagdag pa niya, “While we agreed that there is a need to address the rising cases of adolescent pregnancy in our beloved country, it should not be at the expense of our children's innocence and should not be detrimental to their health, studies, and morals.”
Bukod dito, iginiit din ng senador ang gampanin ng mga magulang sa kanilang mga anak ayon sa nakasaad sa Article 2 Section 4 ng Konstitusyon.
“Ipinapahayag po dito ang role o ‘yong dapat gampanan ng mga magulang para po sa kanilang mga anak para sila alagaan at masiguro na ang kanilang mga tungkulin bilang mga magulang ay magampanan,” aniya.
Kaya panawagan ni Villanueva sa mga kapuwa niya mambabatas, “Maging mas mapagmatyag at huwag basta-basta mapagbudol sa panukalang ito.”
Ngunit patuloy na binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros na wala raw binanggit na “masturbation” at “try different sexualities” sa panukalang batas.
MAKI-BALITA: Sen. Risa kay PBBM: 'Wala po sa Adolescent Pregnancy Bill kahit ang salitang masturbation'
Matatandaang nauna nang pabulaanan ni Hontiveros ang tungkol dito matapos lumutang ang isang explainer video mula sa Facebook page ng Project Dalisay na nagtangkang talakayin ang umano’y panganib ng CSE.