Magsasampa umano ng cyber libel case si Philippine National Police (PNP)-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PBGen. Nicolas Torre III ang dating mamamahayag na si Jay Sonza at dalawa pang vloggers dahil umano sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa kaniya.
Sa ulat ng DZBB Super Radyo, kakasuhan daw ni Torre sina Sonza at dalawang vloggers kasabay ng kanilang ika-72 anibersaryo, dahil daw sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon laban sa kaniya, gaya na lamang ng pagkaka-ospital daw niya.
Sa panayam naman ng ABS-CBN News, sinabi ng hepe na naapektuhan daw ang kaniyang pamilya kaya magsasampa siya ng reklamo.
“‘Yong mga nag-post na ako’y na-ospital, na ako’y nagkasakit, I am going to file cyber libel case against them kasi ang tinatamaan kasi ang pamilya ko eh. It's really a foul," aniya.
Nilinaw ni Torre na wala siyang sakit, at kung may kumakalat mang mga larawang nasa ospital siya, ito raw ay minanipula lamang.
Sinabi pa ni Torre na nakahanda na raw siyang ipadala ang complaint sa Department of Justice (DOJ) anumang oras.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Sonza hinggil sa isyung ito.