Hinatulang guilty ng 7th Division ng Sandiganbayan sina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at dating City Administrator Aldrin Cuña sa kasong graft, kaugnay umano ng ₱32 milyong kontrata sa procurement ng Online Occupational Permitting Tracking System (OOPTS) noong 2019.
Ayon sa ulat ng GMA News, batay sa 32 pahinang desisyon ng korte, nahatulan ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong ang bawat isa kaugnay ng kaso, at hindi na rin sila maaaring humawak ng kahit na anumang posisyon sa pamahalaan.
Hindi naman daw inatasan ng Sandiganbayan ang dalawa na magbayad ng kaukulang multa kaugnay ng kaso.
Matatandaang Abril 2023 nang sampahan ng dalawang kaso ang dalawa dahil sa umano'y iregularidad sa mga proyekto, na inihain ng Office of the Ombudsman (OMB).
Ang unang kaso, na itinalaga sa ikatlong dibisyon ng anti-graft court, ay kinabibilangan ng ₱25.34 milyon na ibinayad sa Cygnet Energy and Power Asia, Inc.
Nakasaad sa criminal charge sheet na binayaran nina Bautista at Cuña ang kabuuang halaga sa Cygnet para sa Supply and Installation of Solar Power System and Waterproofing Works for Civic Center Building.
Ang Cygnet, gayunpaman, ay hindi umano karapat-dapat sa bayad para sa napaulat na kabiguan nitong ma-secure ang Net Metering System mula sa Manila Electric Company na naging requirement ng Supply and Delivery Agreement.
Ang pangalawang kaso ay napunta sa ikapitong dibisyon. Sangkot dito ang pagbabayad ng ₱32.1 milyon sa Geodata Solutions, Inc. para sa online occupational permitting at tracking system.
Nakasaad umano sa kaso na walang maayos na ordinansa mula sa Sangguniang Panglungsod at wala ring kompletong paghahatid ng mga produktong nakuha.
Inirekomenda noon ng OMB ang piyansang ₱90,000 para sa bawat isa sa dalawang kaso.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-QC mayor Bautista, kanyang city administrator, nahaharap sa 2 kaso ng graft sa Sandiganbayan