January 20, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Kilalanin si Engr. Niele Shem Bañas, top 1 sa dalawang magkaibang board exams!

Kilalanin si Engr. Niele Shem Bañas, top 1 sa dalawang magkaibang board exams!
Photo courtesy: Engr. Niele Shem Bañas (FB)

Ang maging topnotcher sa isang board exam ay talagang kahanga-hanga na, subalit paano pa kaya kung sa dalawa pa?

Iyan ang nangyari kay Engr. Niele Shem Bañas mula sa La Carlota City, Negros Occidental City, na parehong nasungkit ang pagiging topnotcher sa dalawang magkaibang board exam na may kinalaman sa kaniyang pinagtapusang degree program na Electrical Engineering sa Technological University of the Philippines—Visayas.

Nagtapos din siya bilang magna cum laude.

Si Engr. Niele ang top 1 ng April 2024 Electronics Engineering Licensure Exam (ECELE) at October 2024 Electronics Technicians Licensure Exam (ECTLE).

Human-Interest

Netizen na nabaon sa utang, naadik sa sugal: 'Don't ever try gambling!'

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Engr. Bañas, sinabi niyang wala siyang ibang naging sikreto sa kaniyang pagtatagumpay kundi ang matiyagang pag-aaral, pagtitiyaga, at pagtitiwala sa sarili.

"Nag-aral lang po talaga ako nang maayos noong review season at undergrad, hindi 'yong para lang sa quizzes, kundi magagamit talaga in the future," nakangiting saad ni inhinyero.

"Na-carry over ko 'yong mga natutuhan ko during college years, and also 'yong confidence na rin, kasi nabi-build-up 'yong confidence habang nagre-review."

Dahil tiwala raw siya sa kakayahan at kaalaman niya, mas napadali raw ang pagsagot niya sa mga tanong sa dalawang board exams.

Inamin ni Bañas na talagang tinarget niyang hindi lamang makapasa sa board exam kundi maging topnotcher din, sabayan pa ng pressure sa kaniya dahil sa pagiging magna cum laude niya, lalo na sa kanilang paaralan. Nakatulong naman ang pressure na ito para maabot niya ang kaniyang target.

Lagi rin daw siyang nagta-top 1 sa mga isinagawang evaluation tests ng review center na kaniyang pinagrebyuhan.

Pero dumating din sa puntong nagkaroon siya ng pagkakataong nawalan siya ng gana sa pag-aaral, lalo na noong panahon ng pandemya dahil nagkaroon siya ng mga bagsak na grado, kaya ginusto niyang bumawi sa pamamagitan ng paghahangad na maging topnotcher sa board exams, bilang panata na rin sa kaniyang sarili.

"Yung second board ko, hindi ko inexpect na magta-top [ako] talaga," aniya.

"Kasi hindi na ako nag-review na face-to-face, nag-online na lang ako saka two weeks lang 'yong seryosong nag-review talaga. Gusto ko pa rin mag-top, pero hindi ko pa rin inexpect na mag-top talaga," paliwanag niya.

Wala raw siyang sinunod na pamahiin bago kumuha ng board exams gaya ng pagsusuot ng pulang underwear o kaya pagpapatasa ng lapis sa topnotchers, na ginagawa naman ng iba.

"Ako po nagtatasa sa co-reviewees ko," natatawang sagot ni Bañas.

Dahil daw sa pagiging topnotcher ay nabigyan siya ng incentives ng kaniyang alma mater at pamahalaang lokal. Umabot daw sa kabuuang ₱400,000 ang natanggap niyang incentives dahil sa dalawang board exams.

Nagpasalamat naman si Bañas sa lahat ng mga naging guro at propesor niya mula elementarya hanggang kolehiyo, gayundin sa review lecturers na nakatulong naman sa kaniya sa pagpasa sa board exams.

Mensahe niya sa board takers na gaya niyang nangarap ding maging board topnotchers, "Kung gusto n'yo talagang mag-top or gusto n'yong pumasa sa board exam, you need to exert effort, you need to study well and have the confidence na papasa kayo. Kasi 'pag nag-doubt kayo sa sarili n'yo, maaapektuhan din 'yong pag-aaral n'yo."

"And 'yong momentum n'yo, hindi kayo makakapag-build-up ng momentum that is required for the board exam. So be prepared na lang. Preparedness talaga 'yong battle sa board exam.

Sa ngayon, nagtatrabaho si Bañas bilang management trainee sa engineering company sa kanilang bayan, at part-time review lecturer sa review center na kaniyang pinagrebyuhan.

Congratulations, Engr. Niele Shem Bañas!