Iginiit ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na hindi dapat makialam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni Castro matapos ipahayag ni Marcos na “very poor” ang timing para sa pagproseso ng impeachment sa Kongreso.
MAKI-BALITA: PBBM sa impeachment complaints vs VP Sara: 'The timing is very poor'
"President Marcos should not interfere with the impeachment process. Congress has a constitutional duty to process this case immediately. The people deserve accountability and transparency," giit ni Castro sa isang pahayag nitong Sabado, Enero 18.
Sinabi rin ng Makabayan solon na may tsansang maipasa na ang impeachment complaint sa Senado mula sa Kamara kahit hindi na raw ito dumaan sa deliberasyon ng komite.
"Kung makukuha agad ang 103 endorsers next week ay agad na maipapasa ito sa Senado at di na poproblemahin ang bilang o pag-attend ng mga congressman dahil Senado na bahala dito," ani Castro.
"The Senate can then promptly tackle this or call for a special session if necessary.”
Kaugnay nito, nanawagan si Castro sa kaniyang mga kapwa kongresistang gampanan daw ang kanilang mandato hinggil sa naturang impeachment complaints.
"This is not about politics – this is about upholding the principles of good governance and ensuring that public officials remain accountable to the Filipino people,” saad ni Castro.
Kasama si Castro sa mga nag-endorso sa isa sa tatlong impeachment complaints na nakahain ngayon sa Kamara laban kay Duterte.