Iginiit ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng mga Pilipino matapos niyang ibahagi ang kaniyang naging pagbisita sa Divisoria upang kumustahin daw ang kalagayan ng mga mamamayan doon.
Sa isang Facebook post nitong Linggo, Enero 19, nagbahagi si Castro ng ilang mga larawan ng pag-iikot niya sa Divisoria kasama ang kapwa niya Makabayan senatorial aspirant na si Sandugo Co-chairperson Amirah Lidasan.
“Magandang umaga, mga beshie! Bagong umaga, bagong araw na naman para ipaglaban ang makabuluhang dagdag sahod para sa ating mga guro at manggagawa! #50KSalaryIncrease,” ani Castro sa kaniyang post.
“Nagtungo tayo sa Divisoria ngayong umaga para kumustahin ang mamamayan sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin.”
Binanggit ng teacher solon ang presyo ng kamatis na pumapalo sa ₱300 kada kilo, na aniya ay nagpapasakit sa bulsa ng mga Pinoy.
“Ito ang tunay na kalagayan ngayon sa administrasyong Marcos-Duterte. Bagong taon na ngunit hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng mamamayang Pilipino,” ani Castro.
Kaugnay nito, muling iginiit ni Castro ang panawagan daw ng kanilang senatorial slate sa Makabay Coalition na: “Sahod, itaas. Presyo, ibaba!”
Kasama sina Castro at Lidasan sa 11 senatorial candidates sa ilalim ng Makabayan Coalition para sa 2025 midterm elections na gaganapin sa Mayo.