Hindi mapagkakailang kasama ang imahen ng Sto. Niño sa mayabong na impluwensya ng Katolisismo sa bansa. Parte ito sa mahabang panahong paglago ng pananampalataya ng Katolikong Kristiyano na nananatili hanggang sa ngayon.
Sa Pilipinas, ang buwan ng Enero ay hindi lamang pagdiriwang para sa pagsalubong sa Bagong Taon. Bagkus, ito rin ang hudyat ng pagsisimula sa mahabang preparasyon para sa ilang linggong tuloy-tuloy na kapistahan ng Sto. Niño. Kaya naman sa pagdiriwang ng kapistahan ng batang Hesus, narito ang tatlo sa pinakamatatandang imahen ng Sto. Niño sa bansa:
Sto. Niño de Cebu (1521)
Ayon sa tala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) Encyclopedia of Philippine Art, pinaniniwalaang ang imahen ng Sto. Niño de Cebu ay ang siyang orihinal na bersyon ng santo na bitbit noon ng ekspedisyon ni Ferdinand Magellan noong 1521.
Sinasabing naitala rin umano ni Antonio de Pigafetta ang paghahandog ni Magellan ng nasabing imahen kay noo’y Hara Amihan, asawa ni Rajah Humabon sa Cebu, bago napalitan ang kaniyang pangalan bilang “Juana,” matapos niyang mabinyagan bilang Kristiyanong Katoliko.
Ang mainit na pagtanggap ni Juana sa imahen at pananampalatayang Katoliko ay nagpasalin-salin, kasama na ang pagsayaw niya ng sulog (dance of the tides) at pagprusisyon niya dala ang Sto. Niño. Ito na, ang kinikilala ngayong Sinulog Festival ng Cebu at isa sa mga pinakamalaki at engrandeng kapistahan sa Pilipinas.
Samantala, nakatala sa kasaysayan ng bansa, na matapos ang pagkamatay ni Magellan, tinatayang umabot pa ng 45 taon bago muling nagkaroon ng matagumpay na ekspedisyon at tuluyang matunton ng mga Espanyol ang kapuluan ng Pilipinas sa pangunguna ni Miguel Lopez de Legazpi.
Sinasabing kasabay ng pagdating ni Legazpi sa bansa ay ang mga Agustinong pari na siyang nagpalaganap ng paniniwala sa Sto. Niño, partikular na sa Maynila at Iloilo.
Sto. Niño de Tondo (1572)
Batay sa tala ng Catholic Page na Theotokos, hindi tiyak kung sino o kanino nanggaling ang imahen ng Sto. Niño de Tondo, maliban sa dalawang bersyon ng mga ulat.
Ang una ay pinaniniwalaang nanggaling daw sa isang mangangalakal mula Acapulco, Mexico. Ang ikalawa naman ay sinasabing nakuha lamang daw ng isang sundalo ang naturang imahen mula sa mga narekober na gamit na hinihinala raw na ninakaw sa Cebu. Sa kabila nito, iisa lamang daw ang sigurado, na ang Sto. Niño de Tondo ay naunang ipinagkatiwala noon sa tumatayaong Arsobispo ng Maynila. Hanggang sa kalaunan ay inilagak na rin ito sa Augustinian Church sa Tondo, na dating nasa ilalim ng pamumuno ni Raja Lakandula. Magmula 1572 hanggang sa kasalukuyan, ang Tondo na ang naging tirahan ng ikalawa sa pinakamatandang imahen ni Sto. Niño.
Sto. Niño de Arévalo (1581)
Pinaniniwalaang dumating sa kapuluan ng Iloilo ang Sto. Niño de Arevalo kasabay ng pagkakatatag ng Spanish settlement na mas kilala ngayon bilang Villa Arevalo. Bitbit ang naturang imahen ng batang Hesus, naniniwala umano ang mga Agustinong pari na ang Sto. Niño ang siyang susi upang mapanatili nila ang kapayapaan sa kanilang pagdating sa Iloilo at tuluyang mapalago ang Kristiyanismo.
Tuluyan mang nakalaya ang bansa mula sa 333 taong pananakop ng mga Espanyol, isa ang Sto. Niño, sa maraming imaheng nagpapatunay na niyakap at isinabuhay ng mga Pilipino ang sinasabing pinakamahalagang pamana ng mga Espanyol—ang debosyon at pananampalataya.