January 19, 2025

Home BALITA Internasyonal

ALAMIN: Ilang sikat na content creators na naapektuhan ng pag-ban ng TikTok sa US

ALAMIN: Ilang sikat na content creators na naapektuhan ng pag-ban ng TikTok sa US
Photo courtesy: Pexels

Epektibo na nitong Linggo, Enero 19, 2025 ang pagpapatupad sa Amerika ng pag-ban sa sikat na social media application na TikTok. 

Tinatayang nasa 170 milyong American TikTok users ang naapektuhan ng naturang pagbabawal nito sa Estados Unidos matapos maging epektibo ang batas na ipinasa ng bipartisan majority sa US Congress noong 2024.

Batay sa mga kumalat na larawan sa social media, bumungad sa American TikTok users ang isang mensahe na siyang nagsasaad ng tuluyang pagkawala ng operasyon nito sa nasabing rehiyon.

“Sorry, TikTok isn't available right now. A law banning TikTok has been enacted in the U.S. Unfortunately, that means you can't use TikTok for now. We are fortunate that President Trump has indicated that he will work with us on a solution to reinstate TikTok once he takes office. Please stay tuned!” saad ng TikTok.

Internasyonal

Pamilya ng Pinay na pinaslang umano ng foreigner na asawa nito, nanawagan sa gobyerno

Kaugnay nito, ilang sikat na American TikTok influencers ang nauna nang nagpasalamat at nagpaalam sa kani-kanilang milyong tagasuporta.

Jools Lebron (2.3M followers)

Si Jools Lebron ang kilalang TikTok content creator na nagpauso ng “very demure, very mindful” trend noong 2024. Sa kaniyang huling TikTok video, nagpasalamat si Jools sa kaniya umanong “divas.”

“There so much I want to say but I ultimately…thank you divas for everything, thank you for being a fierce diva,” saad ni Jools. 

Umani na ng 140k views ang huling video ni Jools na may 35k likes at 1,249 comments.

Jalaiah Harmon (3.3M followers)

Idinaan naman ni Jalaiah Harmon sa sayaw ang kaniyang huling TikTok video sa pamamagitan ng kaniyang pinausong choreography na ‘the Renegade.” 

Matatandaang tila naging global dance craze ang “the Renegade” ni Jalaiah, lalo na nang mailathala siya ng isang sikat na international newspaper bilang isa sa mga batang nagpasikat ng isang dance trend sa internet.

Nasa 388k na ang huling video ni Jalaiah na may 90k likes at 675 comments.

Sturniolo Triplets (9.1M followers)

Inanyayahan naman ng sikat na triplets na Sturniolo Triplets ang kanilang 9.1M followers na subaybayan pa rin sila sa kanilang opisyal na YouTube channel.

“TikTok may die, but YouTube is forever. We are the Sturniolo Triplets,” anang triplets.

Sumikat ang magkakapatid sa kanilang mga contents na puno ng katatawanan, skits at random a day in a life moments. Umabot na sa 741k ang kanilang huling video, na may 229.1k likes at 4,769 comments.

Nara Smith (11.4M followers)

Huling TikTok video rin ang iniwan ni Nara Smith sa kaniyang 11M supporters. Mapapanood sa nasabing video ang pagluluto niya habang nakasaad naman sa caption ang pasasalamat niya sa kaniyang followers at hinikayat ang mga ito na i-follow siya sa Instagram.

“You guys! Come find me on Instagram. Thank you for tuning in and following along (even the ones who loved dragging me through the mud.) You mean so much to me,” saad ni Nara.

Kilala si Nara sa mga luxurious content bilang isang ina, asawa at model. Pumalo na sa 1.5M views ang huli niyang video na may 174k views at 2,051 comments.

Addison Rae (88.6M followers)

Isang maikling mensahe naman ang iniwan ng Americal social media influencer na si Addison Rae sa kaniyang huling TikTok video.

“I don’t know the words that will suffice. Transformative arc in the story of my life. Accept my gratitude,” ani Addison.

Si Addison ay isa ring aktres, ngunit mas nakilala sa kaniyang TikTok dance videos na kalimitang kumakasa sa mga dance craze, lip-syncs at comedic skits. Nasa 11.1M views na ang huli niyang content,na may 426k likes at 3,649 comments.

Charlie D'Amelio (156.5M followers)

Tila na-confuse naman ang 156.5M followers ng sikat na American influencer at dancer na si Charlie D’Amelio, matapos niyang makapag-post ng ilang TikTok videos sa kabila ng pagiging ban ng nasabing app sa Estados Unidos. 

Sikat sa TikTok sa Chalie sa kaniyang mga lip-synch, dance cover at skits. Nasa 7.7M at 5.6M views na ang huling dalawang videos ni Charlie, ilang oras matapos niya itong ma-post kasabay ng pag-arangkada ng all-out ban ng nasabing app sa US.

Wala pang ulat ang ilang international media kung maibabalik pa ang operasyon ng TikTok sa Estados Unidos, kasunod ng nasabing naunang abiso nito sa TikTok users na may kaugnayan sa pagbalik sa puwesto ni U.S President elect Donald Trump. Nakatakdang manumpa si Trump bilang Pangulo ng US sa Enero 20.