Nagkaharap na sa korte sina "Eat Bulaga" host Vic Sotto at "The Rapists of Pepsi Paloma" director Darryl Yap kaugnay ng writ of habeas data petition na inihain ng una, sa teaser ng pelikula ng huli, kung saan direktang nabanggit ang pangalan ng TV host, sa pamamagitan ng batikang aktres at direktor na si Gina Alajar, na gumanap naman bilang si Charito Solis.
MAKI-BALITA: Vic Sotto at Darryl Yap, nagharap na sa korte
Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, hirap na hirap daw kumuha ng pahayag ang media sa pag-abang sa dalawang panig dahil sa inilabas na gag order ng korte, na nagbabawal sa kanilang dalawa na magbigay ng anumang reaksiyon o pahayag kaugnay sa kaso.
Nangyari ang paghaharap ng dalawa sa sala ni Judge Liezela Aquiatan ng Branch 205 ng Muntinlupa Regional Trial Court, sa Tunasan, Muntinlupa City, bandang umaga ng Biyernes, Enero 17, 2025.
Dahil nga naghihintay raw ang showbiz news reporters sa dalawa, nakatawag na lamang sa atensyon nila ang parehong luxury car na sinakyan ng dalawa sa pagdating sa korte, na pareho daw Lexus LM 350h.
Nagkaiba nga lang sila ng kulay dahil itim daw kay Bossing Vic at gray naman kay Direk Darryl.
Magkano naman ang presyo?
Kung bibisitahin daw ang website ng nabanggit na SUV, ang four-seater na Lexus ay nagkakahalaga umano ng ₱7.1M, habang ang 7-seater naman ay nasa ₱10.7M.
Nang matapos ang pagdinig na tumagal ng ilang oras, wala ring nahita ang mga reporter sa paghihintay dahil sa higpit ng seguridad sa kanila.
Pero kay Direk Darryl, nang lumabas siya mula sa gusali at mauntag ng reporters kung kumusta ang ginagawang pelikula, habang pumapasok siya sa kaniyang sasakyan ay nasabi niyang hopefully raw ay matapos niya ang shooting nito.
Sinasabi kasing habang wala pang anumang order ang korte tungkol sa pelikula ay tuloy na tuloy pa rin ang pagpapalabas nito sa mga sinehan sa darating na Pebrero.