Ipinapahanap na ng fitness coach at content creator na si Rendon Labador ang viral na security guard na nasibak sa trabaho matapos ang isyung kinasangkutan nito sa isang sampaguita vendor.
Sa kaniyang opisyal na Facebook page, inihayag ni Rendon na nakahanda raw siyang bigyan ng brand new TV ang sekyu, matapos nitong masibak sa serbisyo.
KAUGNAY NA BALITA: Sekyu ng isang mall, sinibak sa puwesto dahil sa ginawa sa batang sampaguita vendor
“Pakihanap yung guard bibigyan ko ng BRAND NEW 50” LED TV at mga APPLIANCES buong bahay ni kuya guard,” saad ni Rendon.
Kaugnay nito, nauna na ring magpahayag ng suporta si Rendon sa nasibak na guwardiya at iginiit na ginagawa lamang daw ng sekyu ang kaniyang trabaho.
“NAGTRABAHO LANG YUNG GUARD. RULES NG SM YAN na bawal mag benta o tumambay ng matagal doon. Ginawa lang ni kuya guard yung inutos ng SM, sana sa SM MANAGEMENT mag-imbestiga muna kayo kasi kawawa yung GUARD, may pamilya din ‘yan,” ani Rendon.
Binanatan din ni Rendon ang mga magulang ng naturang sampaguita vendor, kung saan tahasan niyang sinabi na ito raw mismo ang dapat sisihin sa sinapit ng kanilang anak.
“Yung magulang ng bata walang trabaho kaya ganiyan. Yung anak ang pinagtatrabaho. Yung guard nag-tatrabaho para mapag-aral ang anak niyan,” giit ni Rendon.
Matatandaang noong Biyernes, Enero 17, 2025 nang maglabas ng pahayag ang nasabing mga magulang ng sampaguita vendor at inaming wala umano silang trabaho kaya nagawa ng anak nilang kumayod upang makatulong at makapag-aral.
“Wala naman akong ibibigay na tulong sa kaniya…wala akong trabaho. Kaya yung anak ko nagawa niya yung nagtitinda kasi gusto niya na matulungan kami,” saad ng ina ng estudyante.
KAUGNAY NA BALITA: Viral na sampaguita vendor, nagsumikap para makapagtapos ng pag-aaral, ayon sa ina
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ng nasibak na security guard hinggil sa nasabing viral video.