January 18, 2025

Home BALITA National

Kiko Pangilinan, nanawagan sa Senado na ipasa ang batas para sa motorcycle taxi riders

Kiko Pangilinan, nanawagan sa Senado na ipasa ang batas para sa motorcycle taxi riders
(Courtesy: Kiko Pangilinan/X)

Nanawagan si dating Senador Kiko Pangilinan sa Senado na madaliin na ang pagpapasa ng batas para sa motorcycle taxi sa bansa para raw sa kapakanan ng humigit-kumulang 60,000 rider sa bansa.

Sa isang X post nitong Sabado, Enero 18, iginiit ni Pangilinan na mahalagang maipasa na ang panukalang Motorcycle Taxi law upang “upang hindi mawalan ng trabaho ang libu-libong riders at manatili ang maaasahang opsyon para sa mga commuter.”

“Kawawa naman ang humigit-kumulang 60,000 motorcycle taxi riders kung hindi maipapasa ang batas bago matapos ang 19th Congress,” pagbibigay-diin ni Pangilinan.

Ayon pa sa dating senador, malaki ang maitutulong ng panukalang batas upang maibsan daw ang araw-araw na problema ng mga Pilipino pagdating sa pampublikong transportasyon.

National

84% ng mga Pinoy, suportado hakbang ng gov't sa WPS – OCTA

“Bagama’t hindi ito perpektong solusyon sa nararanasang krisis sa transportasyon, malaki ang magagawa ng MC taxi law para maibsan ang araw-araw na kalbaryo ng ating mga commuter dahil nagbibigay ito sa kanila ng abot-kaya, mabilis, at maaasahang opsyon sa transportasyon,” ani Pangilinan.

“Kapag mayroon tayong batas, protektado rin ang ating mga commuter sakaling magkaroon ng aksidente o di-inaasahang pangyayari,” saad pa niya.Matatandaang kamakailan lamang nang ipangako ni Senador Raffy Tulfo, chairperson ng Senate Public Services Committee, na gagawin niyang prayoridad ang pagpapasa ng Motorcycle Taxi law na nakabinbin na sa Senado sa mahigit limang taon. Kasabay ito ng panawagan ni Tulfo sa mga kapwa niya senador na pagtuunan din ng agarang pansin ang pagsasabatas na nasabing panukala.

Taong 2019 nang ilunsad ang operasyon ng mga motorcycle taxi, na kinapapalooban ng mga kompanyang tulad ng Angkas, Joyride, at Move It. Sa kabuuan ay mayroon daw humigit-kumulang 45,000 riders sa Metro Manila.