January 18, 2025

Home BALITA National

Impeachment complaints laban kay VP Sara, kapos pa rin sa suporta ng Kamara—House SecGen

Impeachment complaints laban kay VP Sara, kapos pa rin sa suporta ng Kamara<b>—House SecGen</b>
Photo courtesy: Inday Sara Duterte, House of Representatives/Facebook

Nananatili pa rin umanong nakabinbin ang impeachment cases laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara.

Sa panayam ng TeleRadyo kay House Secretary General Reginald Velasco noong Sabado, Enero 17, 2024, inihayag niya na hinihintay pa rin nila ang ikaapat na complaint na ihahabol sa naturang impeachment cases laban sa pangalawang pangulo. 

“As I've said earlier po 'no, naghihintay po kami doon sa fourth complaint na tinatawag or consolidated complaint... Nakiusap po kasi sa 'kin itong mga House members e. Hintayin lang sila kasi alam ninyo naman ang dahilan kung gagamitin 'tong usual process, wala ng panahon para mag-prosper ito sa House of Representatives at trial sa Senado,” ani Velasco.

Ayon kay Velasco, nananatili sa anim na mambabatas ang nagpahayag ng kanilang buong suporta sa tatlong impeachment cases laban kay VP Sara. Malayo pa raw ito sa bilang na kinakailangan upang tuluyang umusad ang impeachment trial.

National

84% ng mga Pinoy, suportado hakbang ng gov't sa WPS – OCTA

“With the present support na anim po, wala hong mangyayari diyan. Even sa Committee on Justice po, bago po 'yan makalusot kailangan po yung simple majority ng members po. Medyo mahirap po makuha yung voting ng House members in both the plenary and Committee on Justice,” saad ni Velasco. 

Saad pa ni Velasco, kinakailangan daw kasi ng 154 na boto mula sa 308 na bilang ng House members upang makuha ang majority votes sa plenaryo habang 16 mula sa 30 boto naman para sa miyembro ng Committee on Justice. 

Nilinaw din ni Velasco na kung sakaling pumalya ang impeachment cases laban, isang taon pa raw bibilangin, upang muling makapag-file muli ng bagong impeachment complaints sa isang opisyal.