Tinatayang nasa 100 Olympians ang umano’y nagbalik ng kanilang mga medalya mula Paris Olympics dahil sa mga bitak at kalawang daw ng mga ito.
Ayon sa ulat ng AP News kamakailan, hindi inihayag ng Monnaie de Paris kung ilan ang eksaktong bilang ng mga atletang nagbalik ng kani-kanilang mga medalya, bagama’t ayon umano sa isang French website na La Lettre ay umabot daw sa 100 Olympians ang mga ito.
Ang Monnaie de Paris ang kompanyang responsable sa paggawa ng mga medalya noong 2024 Paris Olympics kung saan tinatayang umabot sa 5,084 ang nagawa nilang mga medalya para sa naturang torneo.
Target na rin daw ng naturang kompanya na mapalitan ang lahat ng mga medalyang kumupas at nangalawang, ngayong first quarter ng 2025.
Ilan sa Olympians ang nauna nang magpahayag ng kanilang pagkadismaya sa pamamagitan ng social media. Isa na rito si American skateboarder Nyjah Huston na ibinahagi sa kaniyang Instagram account kung paano umano mabilis na kumupas ang kaniyang bronze medal. Nasundan din ito ng social media posts nina French swimmers Yohann Ndoye-Brouard at Clement Secchi kung saan inihalintulad nila ang kanilang mga medalya sa "crocodile skin."
Samantala, inihayag naman ng International Olympic Committee (IOC) na nakikipag-ugnayan na raw sila sa mga atletang nakaranas ng kagayang isyu sa kanilang Olympic medals at sinigurong mapapalitan ang mga ito.
"Damaged medals will be systematically replaced by the Monnaie de Paris and engraved in an identical way to the originals," anang IOC.