Usap-usapan ang naging pahayag ng mga kaanak ng nag-viral na "Sampaguita Girl" matapos siyang ipagtabuyan ng isang mall security guard dahil sa pagbebenta niya ng bungkos ng sampaguita sa vicinity ng pinaglilingkurang mall, na naging dahilan para sibakin siya sa tungkulin.
Umani ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens, gayundin sa mga celebrity. Isa pa nga sa mga tumulong sa kaniya ang social media personality, negosyante, at tumatakbong konsehal ng Maynila na si Rosemarie Tan-Pamulaklakin o kilala sa tawag na "Rosmar Tan."
Sa panayam ng GMA Integrated News na iniulat naman sa "24 Oras" ng GMA Network, sinabi ng mga magulang ng first year student ng degree program na "Medical Technology" na handa naman daw nilang patawarin ang security guard na nakaalitan ng anak, bagama't hindi umano maipagkakaila ang galit sa kanilang puso matapos ang ginawa nito.
Sabi ng nanay, masakit daw sa kalooban ang nangyari dahil hindi raw niya pinagbuhatan ng kamay ang anak.
Giit naman ng tatay, nakisilong lang daw ang anak dahil umaambon ng mga sandaling iyon, at nang sitahin nga ng guwardiya at sirain pa ang paninda, hindi na raw nito napigilan ang sariling gumanti dahil ganoon daw ang kaniyang anak lalo na kung alam niyang nasa tama siya.
Paglilinaw ng mga magulang, talagang nagtitinda raw ng sampaguita ang mga anak nila sa Ortigas area para may maitustos sa kanilang matrikula.
Sa comment section ng ulat, sinabi ng mga netizen na tila huli na raw ang lahat para sa guwardiya dahil natanggal na ito sa trabaho at pinagbawalan na ring mag-aplay sa iba pang branch ng mall. Nanganganib ding mawala ang kaniyang lisensya sa pagka-guwardiya.
"kung lahat ayaw sumunod sa security guard anong mangyayari? bigyan din ng pang-unawa ang security guard, imbestigahan nang mas malalim ang nangyari"
"Ok na rin yan na nagviral.. pero sana tulungan yung dalawa kasi parang dihado nmn ang guard sana tulongan din"
"Pag sinaway kasi sumunod din sana.."
"wag kayong maging one sided.bakit yang babae na yan nakasuot ng uniform ,nakasapatos,nakabag at may donation box pa na dala dala.saka kung adult na yan dapat marunong syang umintindi,kung bawal magtinda sa harap ng mall sumunod sya.naprovoked lang din nman cguro yung gwardya kaya nagawa nya yun."
"Tinanggal agad sa trabaho tapos ban pa sa lahat ng branch, ginawa lang naman nya ung trabaho nya, dapat suspension muna tapos imbestigahan ung panyayari di makatarungan yan."
Samantala, wala pang update kung ano na ang kalagayan ng tinanggal na security guard. Nagpahayag naman ng intensyon ang si Rosmar Tan na hanapin siya, tulungan, at bigyan ng trabaho.
MAKI-BALITA: Matapos tulungan si 'Sampaguita Girl:' Rosmar, pinapahanap sinibak na sekyu