January 18, 2025

Home BALITA National

Hontiveros, pinabulaanang nasa Adolescent Pregnancy Bill pagtuturo ng ‘bodily pleasure’ sa mga bata

Hontiveros, pinabulaanang nasa Adolescent Pregnancy Bill pagtuturo ng ‘bodily pleasure’ sa mga bata
Courtesy: Senador Risa Hontiveros/FB

Pinabulaanan ni Senador Risa Hontiveros na nasa ilalim ng inihain niyang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill ang pagtuturo umano ng “masturbation” at “bodily pleasure” sa mga bata.

Naging kontrobersyal ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill o Senate Bill 1979 na inihain ni Hontiveros matapos lumabas ang mga alegasyon tulad ng isinusulong umano ng panukala ang “inappropriate sexual education” sa mga bata, bagay na itinanggi ng senadora.

“Wala pong anumang probisyon sa Prevention of Adolescent Pregnancy Bill tungkol sa pagtuturo o paghikayat ng masturbation sa mga batang edad 0 to 4 years old o yung magtuturo daw diumano ng ‘bodily pleasure’ sa mga batang 6-9 years old o na ituturo din daw sa bata na may ‘sexual rights’ sila,” giit ni Hontiveros sa isang pahayag nitong Sabado, Enero 18.

“Wala po diyan sa Bill at wala po sa Comprehensive Sexuality Education (CSE) provision ng Bill and no Bill that would pass in the Philippine Congress would include those,” dagdag niya.

National

Huli na ang lahat? Pamilya ni 'Sampaguita Girl,' handang patawarin sekyung nasibak sa trabaho

Nilinaw rin ng senadora na nakasaad din umano sa panukalang batas na nakagabay ang Department of Education sa CSE, at wala raw intensyon ang batas na “gayahin nang walang pag-isip ang anumang international standard.”

“Siyempre kung may mga nakasaad diyan na hindi akma sa konteksto at kultura ng Pilipinas, siyempre hindi yan gagamitin,” ani Hontiveros.

“DepEd pa rin, kasama ang ibang relevant agencies, at dapat may consultation with various stakeholders, ang mag-implement ng CSE. Hindi kung sino-sinong international body. Wala pong magdidikta sa ating gobyerno kundi tayong mga Pilipino,” saad pa niya.

Sa ilalim ng Adolescent Pregnancy Prevention Bill, isasama ang Comprehensive Sexuality Program sa edukasyon upang maisailalim sa diskusyon ang tungkol sa adolescent sexuality at reproductive health, at upang maalis na rin ang stigma tungkol dito.

Kaugnay nito, matatandaang sa isang press conference kamakailan ay inihayag ni Undersecretary Angelo Tapales ng Council for the Welfare of Children (CWC) na mahalaga ang naturang panukalang batas matapos niyang banggitin ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2023 kung saan 3,342 pagbubuntis ang naitala sa mga batang babaeng nasa edad 14 pababa, mas mataas kumpara sa 3,135 na naitala noong 2022.

Dagdag ni Tapales, 72% sa adolescent pregnancies ay iniuugnay sa mas matatandang lalaki, na kadalasang sanhi umano ng pang-aabuso.

Inihain noong 2023, inaasahang isasailalim sa ikalawang pagdinig ang naturang panukala sa Senado.