Isang appreciation message ang pinakawalan sa Instagram post ng pinupuring direktor na si Zig Dulay para sa dalawang lead stars ng 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) Best Picture movie na "Green Bones" na sina Ruru Madrid at Dennis Trillo, matapos nilang masungkit ang major acting awards na "Best Supporting Actor" at "Best Actor."
Giit ng Green Bones director, ang tagumpay ng dalawa ay tagumpay na rin niya.
"Ang tagumpay n’yo ay tagumpay ko rin," aniya.
"Mula sa unang pagkikita upang bigyang anyo sina Dom at Javier — hanggang sa tuluyan silang nabuhay sa bawat emosyon at galaw ng inyong pagganap. Salamat sa pagbabahagi ng sining n’yo."
"Maraming salamat sa paglalakbay kasama ko at sa pagbibigay-puso’t kaluluwa sa kwento ng Green Bones. Hanggang sa susunod na paglikha ng kuwento’t buhay. Congrats sa Best Actor ar Best Supporting Actor ng 50th MMFF! @dennistrillo @rurumadrid8."
Sa comment section ay nagbigay naman ng reaksiyon dito si Ruru, na naging emosyunal nang tanggapin ang kaniyang tropeo sa naganap na Gabi ng Parangal noong Disyembre 27, 2024 sa Solaire Resort.
"Rekdi!! Very grateful ako sayo sobra! Sana po maka trabaho po ulit kita. " aniya.
Bagama't Best Picture ang Green Bones, hindi naman si Zig ang itinanghal na Best Director kundi sina Michael Tuviera ng “The Kingdom” at Crisanto Aquino “My Future You.”
MAKI-BALITA: Ogie matapos ang Gabi ng Parangal: 'Nanalong Best Picture pero hindi ang director nito?'
MAKI-BALITA: Listahan ng mga nagwagi sa 2024 MMFF Gabi ng Parangal