Nagsagawa ng Bible parade ang Body of Christ sa Pasig City para sa pagdiriwang ng National Bible Month ngayong Enero 2025.
Kung babalikan, taong 2017 nang pirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 124 na nagdedeklara sa buwan ng Enero kada taon bilang National Bible Month.
Taong 2018 naman nang ipasa ang Republic Act No. 11163 kung saan idinedeklarang National Bible Day ang huling Lunes ng Enero kada taon. Ito ay iniakda nina dating Senador Manny Pacquiao at Senador Joel Villanueva.
Nitong Sabado, Enero 18, 2025, nagkaisa ang Body of Christ upang ipahayag na ang Salita ng Diyos ang pinagmumulan ng pag-asa ng sangkatauhan at ng bansa.
Nagsimula ang Bible parade sa Rizal High School at nagtapos sa quadrangle ng Pasig City Hall.
Samantala, nagbigay-mensahe si Pasig City Mayor Vico Sotto hinggil sa isinagawang aktibidad ng Body of Christ.
“Blessed po tayo hindi lang naman sa Pasig kundi sa buong Pilipinas dahil kinikilala po ang National Bible Month at alam naman po natin na faith comes from the hearing the Word. D’yan po tayo nabubuhayan ng loob, lumalakas ang loob natin dahil sa ating pananampalataya sa Diyos,” saad ni Mayor Vico sa pagharap niya sa mga miyembro ng Body of Christ.
Saad pa ng alkalde, araw-araw ay may pagsubok na kinahaharap ang mga tao pero aniya nananatiling mataas ang pag-asa dahil malakas ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos.
Bukod dito, nabanggit din ni Mayor Vico na mas magiging malakas ang pananampalataya ng isang tao kung palaging nakaririnig o nakababasa ng Salita ng Diyos.
“Para maging mas malakas pa ang ating pananampalataya, mas maganda palagi natin naririnig o nababasa ang Salita ng Diyos. Kaya magkakasama tayo, although ‘di ba may tinatawag na separation of church and state, pero ‘yong sa personal natin, ‘yong mga values natin na ipinapakita natin sa ating trabaho, sa gobyerno ka man o hindi, hindi ho mase-separate ‘yan.
“Kaya dapat tuloy-tuloy po tayo na i-promote natin ang Salita ng Diyos, ipahayag po natin sa lahat ng mga nakakasalamuha, nakakasama po natin. Itong ginagawa po natin sa tulong ng CPMA (City of Pasig Ministers Alliance Inc.), sa lahat ng mga churches, na represented ngayong umaga, ay isang magandang hakbang sa tamang direksyon,” ayon pa sa alkalde.
Pagkatapos magbigay ng mensahe, ipinagdasal ng Body of Christ si Mayor Vico.