Pinatotohanan ng Mandaluyong City Police at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na wala umanong kaugnayan sa sindikato ang viral na estudyanteng sampaguita vendor.
Ibinahagi ni Mandaluyong City Police chief Police Colonel Mary Grace Madayag sa media nitong Biyernes, Enero 17, na na-demolish ang bahay ng sampaguita vendor kung kaya’t tumutulong ito sa pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda.
“Kaka-demolish lang daw po ng bahay nila at yun po ay pinatunayan din ng barangay kung saan po nakausap din po namin yung barangay kung saan sila nakatira,” saad ni Madayag.
Napag-alamang iskolar din umano ang nasabing estudyante ng isang pribadong paaralan.
“In fact nga po, siya po ay iskolar ng isang private institution at matalinong bata, at nagsusumikap lamang po na madagdagan yung mga pangangailangan nila sa kanilang eskuwela,” ayon pa kay Madayag.
Paglilinaw pa ni Madayag, “Hindi na po siya minor. Siya po ay 18 years old na babae at lehitimo po na siya ay estudyante sa isang private school.”
KAUGNAY NA BALITA: Mandaluyong Police, pinabulaanan na sindikato ang viral na batang sampaguita vendor
Samantala, ibinahagi rin ng DSWD nitong Biyernes ang kanilang panayam sa ina ng sampaguita vendor kung saan inilahad niyang malaki raw ang kagustuhan nitong makapagtapos ng pag-aaral kaya’y nagtinda rin ito ng sampaguita.
“Wala naman akong ibibigay na tulong sa kaniya…wala akong trabaho. Kaya yung anak ko nagawa niya yung nagtitinda kasi gusto niya na matulungan kami,” saad ng ina ng estudyante.
Dagdag pa niya: “Sabi ko sa kaniya, ‘wala naman akong ibibigay. Bahala kayo kung ano yung gusto n’yo. Tulungan niyo yung sarili, go.”
Matatadaang matapos pumutok sa social media ang video kung saan makikita ang tila bayolenteng pagpapaalis sa estudyante ng guwardiya sa isang mall, ay kinumpirma ng pamunuan ng SM Supermall na sinibak na nila ito sa serbisyo.
KAUGNAY NA BALITA: Sekyu ng isang mall, sinibak sa puwesto dahil sa ginawa sa batang sampaguita vendor