January 18, 2025

Home BALITA National

Vic Sotto at Darryl Yap, nagharap na sa korte

Vic Sotto at Darryl Yap, nagharap na sa korte
MULA SA KALIWA: Vic Sotto at Darryl Yap (MB file photo)

Nagkaharap na sa Muntinlupa court sina TV host-comedian Vic Sotto at director Darryl Yap nitong Biyernes, Enero 17, kaugnay ng teaser video ng pelikula ng huli na “The Rapists of Pepsi Paloma.” 

Nitong Biyernes nang magtungo sina Sotto at Yap sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch (RTC) 205, kung saan ginanap ang summary hearing sa petisyon ni Sotto para sa writ of habeas data na naglalayong alisin ang teaser video at promotional materials para sa pelikula na nagbabanggit ng kaniyang “personal information o sensitive personal information.” 

Base sa inilabas na teaser video ng “The Rapists of Pepsi Paloma” kamakailan, tahasang binanggit ang pangalan ni Sotto bilang “nang-rape” umano kay Pepsi Paloma.

Hindi naman tinalakay nina Sotto at Yap sa media ang tungkol sa kaso dahil sa “gag order” na inilabas ng korte.

National

PBBM sa impeachment complaints vs VP Sara: 'The timing is very poor'

Matatandaang bukod sa naturang writ of habeas data, kinasuhan din ni Sotto si Yap ng 19 counts ng cyber libel dahil din sa teaser ng nasabing pelikula.

Humihingi si Sotto ng ₱35 milyon na danyos mula kay Yap, kung saan ₱20 milyon dito ang para raw sa moral damages at ₱15 milyon para sa exemplary damages.

MAKI-BALITA: Vic Sotto, sinampahan na ng kaso si Darryl Yap kaugnay ng ‘Pepsi Paloma’ movie trailer

Noong Enero 1 nang unang ilabas ang teaser ng “The Rapists of Pepsi Paloma” kung saan mapapanood ang eksena nina Gina Alajar, na gaganap bilang ang namayapang si Charito Solis, at Rhed Bustamante na gaganap bilang Pepsi Paloma.

"Ipaliwanag mo sa akin, magsabi ka sa akin, ipaliwanag mo dahil hindi ko naiintindihan! Pepsi, sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?" tanong ni “Charito Solis” sa teaser.

"Oo!" sagot naman ni “Pepsi Paloma.”

Pagkatapos nito, mababasa rin sa naturang clip ang katagang: "NAGSAMPA NG KASONG RAPE SI PEPSI PALOMA LABAN KAY VIC SOTTO NOONG AUGUST 17, 1982."