Ipinangako ni House Speaker Martin Romualdez na patuloy na isusulong ng House of Representatives ang mga programang magbibigay-seguridad sa mga Pilipino.
Sinabi ito ni Romualdez nang pangunahan nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-turnover ng nakumpletong Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) Projects sa Leyte, Samar, at Biliran nitong Biyernes, Enero 17.
Isinagawa rin sa naturang event sa Burauen, Leyte ang signing ng Memorandum of Agreement (MOA ) at Deed of Donation and Acceptance (DODA).
“Patuloy tayong magsusulong ng mga programang magbibigay ng seguridad at katiyakan sa ating mga kababayan,” ani Romualdez na inulat ng Manila Bulletin.
“Ang bawat tahanan ay simbolo ng pag-asa, at ang bawat proyektong ito ay patunay ng ating sama-samang pagsusumikap para sa mas magandang kinabukasan,” saad pa niya.
Matatandaang Nobyembre 8, 2013 nang tumama ang bagyong Yolanda sa Eastern Visayas, kung saan mahigit 6,000 ang mga nasawi. Kinokonsidera ang bagyo bilang isa sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa Pilipinas.