Tila hindi nagustuhan ng ilang netizens ang karakter na gagampanan ng aktor at komedyanteng si Pepe Herrera sa pelikulang “Sampung Utos kay Josh.”
Sa latest Facebook post ni Pepe noong Huwebes, Enero 16, sinagot niya ang mga natanggap na batikos mula sa mga komento sa artikulo tungkol sa kaniyang karakter.
Ayon sa kaniya, “‘Pera-Pera na lang. You won’t accept this if you are a man of faith’ - Nyak hindi po. Hindi ko kayang tumanggap ng isang proyekto na taliwas sa mga paniniwala ko. Maaaring magkaiba ang takbo ng isip natin pero kung Mahal mo din si Papa Jesus, parehas tayo. ”
“‘Pag mapromote si Satanas, baka mamaya maging Los Angeles kayo’ - Hindi na po yata kailangan mapromote ni Satanas kasi siya na ata ang CEO sa Office niya. Tsaka sana pagdasal na lang natin ang mga taong naapektuhan at suportahan natin ang mga sustainable companies at lahat ng efforts to combat the climate crisis,” dugtong pa ni Pepe.
Kaya pakiusap niya, “Panoorin niyo po muna sana yung pelikula namin. And then let’s talk again. Lalo na kung napanood at nagustuhan niyo ang ‘Ang Pangarap Kong Holdap.’”
Matatandaang sa nakaraang 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 2023 ay ginampanan pa ni Pepe ang karakter ni “Lods” na representasyon ng Diyos sa pelikulang “Rewind.”