Sa gitna ng nakahaing mga reklamong pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte, muling ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi pa tamang oras para sa pagproseso ng impeachment.
Sinabi ito ni Marcos sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Biyernes, Enero 17, nang tanungin siya hinggil sa naging pahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na magkakaroon ng “very detrimental precedent” kung susundin ang lohika ng isinagawang National Rally for Peace ng Iglesia Ni Cristo (INC) noong Enero 13, 2025.
“JPE is one of our best legal thinkers in our country. And he is right, there is a consequence, there will be a precedent and it will be very problematic," ani Marcos.
“But I still think even if Congress is mandated to process this, the House doesn't have a choice, the Senate doesn't have a choice once these impeachment complaints are filed,” dagdag niya.
MAKI-BALITA: ‘It will be very problematic!’ PBBM, sang-ayon sa komento ni Enrile hinggil sa rally ng INC
Samantala, sinabi rin ng pangulo na sa tingin niya ay hindi umano ito ang tamang oras upang isagawa ang pagpapatalsik kay Duterte lalo na’t panahon na raw ng kampanya para sa 2025 midterm elections sa darating na Mayo.
“I don't think now is the time to go through that. So, ipaubaya na muna natin sa ating… tutal as a practical matter, papasok na tayo sa campaign period,” ani Marcos.
“Wala nang congressman, wala nang senador dahil nangangampanya na sila. Hindi tayo makakapagbuo ng quorum. And so, as a practical matter, the timing is very poor,” saad pa niya.
Matatandaang noong Enero 13 nang magsagawa ang INC ng peace rally sa 13 sites sa iba't ibang panig ng Pilipinas, kabilang na ang Quirino Grandstand sa Maynila na dinaluhan daw ng mahigit 1.58 milyon upang ipanawagan ang kapayapaan at pagkakaisa sa bansa.
Layunin din daw ng naturang rally ng INC ang pagpapaabot nila ng suporta sa pahayag ni Marcos noong nakaraang taon na huwag nang ituloy ang pagpapatalsik kay Duterte.
Habang sinusulat ito’y tatlong impeachment complaints ang nakahain laban kay Duterte sa House of Representatives.