Naglabas na ang Manila Police District (MPD) ng traffic advisory para sa pagdaraos ng pista ng Sto. Niño sa Pandacan at Tondo sa Maynila sa Enero 19, Linggo.
Sa traffic advisory ng MPD para sa pista ng Sto. Niño de Pandacan, nabatid na magpapatupad sila ng road closures mula alas-12:00 ng tanghali simula sa Enero 18, upang bigyang-daan ang pagdaraos ng Buling-buling Festival.
Ayon sa MPD, kabilang sa mga kalsadang isasara ay ang Jesus St. kanto ng Pres. Quirino Avenue; East Zamora St., kanto ng Pres. Quirino Avenue; Labores St. kanto ng Tomas Claudio St.; Menandro St. kanto ng Laura St.; at Beata St. kanto ng Tomas Claudio St..
Para naman sa pista ng Sto. Niño de Tondo, sisimulan ang road closures mula alas-12:01 ng madaling araw ng Enero 18.
Kabilang sa mga isasarang kalsada ay ang mga kahabaan ng Zamora St. mula sa Moriones St. hanggang Chacon St.; Sta. Maria St. mula Moriones St. hanggang Morga St.; J. Nolasco St. mula Morga St. hanggang N. Zamora St.; Morga St. mula J. Nolasco St. hanggang Juan Luna St.; Ortega St. mula Asuncion St. hanggang Soliman St.; Lakandula St. mula Asuncion St. hanggang Llaya St.; Llyala St. mula Lakandula St. hang CM Recto Avenue; Charon St. mula Cano St. hanggang N. Zamora St.; at Soliman St. mula Morga St. hanggang Ortega St. / N. Zamora St..
Samantala, ang kahabaan naman ng Wagas St., mula Zaragoza St. ay magiging one-way street patungong Moriones St., gayundin ang Kagitingan St. mula Moriones St., hanggang Zaragoza St..
Kaugnay nito, pinayuhan ng MPD ang mga motorista na tumalima sa traffic rerouting scheme na kanilang ipatutupad sa mga nasabing araw upang hindi maipit sa masikip na daloy ng trapiko.
“Actual closing and closing of affected roads will be based on actual traffic situation,” paabiso pa ng MPD.