Nilinaw ng Mandaluyong City Police na hindi sangkot sa umano’y sindikato ang viral na batang sampaguita vendor sa isang mall sa naturang lungsod.
Sa panayam ng media kay Mandaluyong City Police chief Police Colonel Mary Grace Madayag nitong Biyernes, Enero 17, 2025, iginiit niyang totoo raw na estudyante ang naturang bata sa video at hindi ito miyembro ng anumang sindikato.
“Yung bata po ay totoo pong estudyante,” ani Madayag.
Dagdag pa ni Madayag: “In fact nga po, siya po ay iskolar ng isang private institution at matalinong bata, at nagsusumikap lamang po na madagdagan 'yung mga pangangailangan nila sa kanilang eskuwela.”
Mismong barangay daw ang nagpatotoo sa pagkakakilanlan ng bata na tumutulong lang daw sa kaniyang pamilya.
“Kaka-demolish lang daw po ng bahay nila at 'yun po ay pinatunayan din ng barangay kung saan po nakausap din po namin 'yung barangay kung saan sila nakatira,” saad ni Madayag.
Batay sa kumakalat na videos, mapapanood kung paano tila naging bayolente ang security guard sa pagpapaalis sa batang estudyanteng nakaupo sa hagdanan sa labas ng SM Megamall na may bitbit na sampaguita.
Naging usap-usapan din sa social media na tila modus umano ang bata na umano’y nagpapanggap na estudyante ngunit miyembro ng sindikato. Kaugnay ito ng mga larawang naglitawan sa social media hinggil sa mga umano’y batang nanlilimos at nagtitinda raw sa mga pampublikong lugar dahil sila ay miyembro ng sindikato.
KAUGNAY NA BALITA: Sekyu ng isang mall, sinibak sa puwesto dahil sa ginawa sa batang sampaguita vendor