Sinang-ayunan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na magkakaroon ng “very detrimental precedent” kung susundin ang lohika ng isinagawang National Rally for Peace ng Iglesia Ni Cristo (INC) kamakailan.
Matatandaang sa isang Facebook post noong Miyerkules, Enero 15, binanggit ni Enrile ang tungkol sa peace rally ng INC at ang impeachment na tinawag niyang isang “constitutional legal process” para alisin sa puwesto ang isang opisyal kung may ebidensya para rito.
“There is a bigger question. Can the INC with all its members amend the Constitution or suspend any of its provisions? Are we prepared to discard or sacrifice the value of RULE OF LAW for a person or a group of persons? Impeachment is just a constitutional legal process to REMOVE a government official from his office if there is a ground and evidence to support it. The impeached official is not going to jail by the mere fact of his impeachment,” ani Enrile sa kaniyang post.
“As a nation and a state , we will incur a very detrimental precedent if we follow the logic implicit in the INC rally that they mounted. Are we prepared and ready to face the long term consequences of that INC move?” dagdag niya.
Kaugnay nito, sa isang panayam nitong Biyernes, Enero 17, ay sinabi ni Marcos na tama raw si Enrile na magkakaroon ng “consequence” kung susundin ang lohika ng isinagawang peace rally ng INC noong Lunes, Enero 13.
"JPE (Juan Ponce Enrile) is one of our best legal thinkers in our country. And he is right, there is a consequence, there will be a precedent and it will be very problematic," ani Marcos.
Sa kabila nito, binanggit ng pangulo na ang Kongreso pa rin daw ang may mandatong iproseso ang isang inihaing impeachment complaint.
"But I still think even if Congress is mandated to process this, the House doesn't have a choice, the Senate doesn't have a choice once these impeachment complaints are filed but I don't think now is the time to go through that," saad ni Marcos.
Nauna nang naglabas ng pahayag si Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Huwebes, Enero 16, at sinabing hindi pa rin daw nagbabago ang posisyon ng pangulo hinggil sa isyu ng nakahaing impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
MAKI-BALITA: Malacañang, naglabas ng pahayag hinggil sa komento ni Enrile sa INC rally
Matatandaang noong Enero 13 nang magsagawa ang INC ng peace rally sa 13 sites sa iba't ibang panig ng Pilipinas, kabilang na ang Quirino Grandstand sa Maynila na dinaluhan daw ng mahigit 1.58 milyon upang ipanawagan ang kapayapaan at pagkakaisa sa bansa.
Layunin din daw ng naturang rally ng INC ang pagpapaabot nila ng suporta sa pahayag ni Marcos noong nakaraang taon na huwag nang ituloy ang pagpapatalsik kay Duterte.
Habang sinusulat ito’y tatlong impeachment complaints ang nakahain laban kay Duterte sa House of Representatives.