Sa gitna ng pagkaso sa kaniya ng TV host-comedian na si Vic Sotto, inihayag ng direktor na si Darryl Yap na tinatapos pa niya ang pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” na dapat daw na maipalabas at mapanood ng publiko.
Nitong Biyernes, Enero 17, nang magkaharap na sina Yap ay Sotto sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch (RTC) 205, kung saan ginanap ang summary hearing sa petisyon ng huli para sa writ of habeas data.
MAKI-BALITA: Vic Sotto at Darryl Yap, nagharap na sa korte
Matapos makalabas sa Muntinlupa Hall of Justice, tinanong si Yap kung kumusta siya.
“I’m okay. I’m still finishing the movie,” sagot ni Yap.
Nang tanungin naman kung maipapalabas pa rin ang pelikula, sagot ng direktor: “Dapat.”
Matatandaang noong Enero 9 nang sampahan si Yap ni Sotto ng 19 counts ng cyber libel dahil sa teaser ng nasabing pelikula, kung saan tahasang binanggit ang pangalan niya bilang “nang-rape” umano kay Pepsi Paloma.
MAKI-BALITA: Vic Sotto, sinampahan na ng kaso si Darryl Yap kaugnay ng ‘Pepsi Paloma’ movie trailer
Noong Enero 1 nang unang ilabas ang teaser ng “The Rapists of Pepsi Paloma” kung saan mapapanood ang eksena nina Gina Alajar, na gaganap bilang ang namayapang si Charito Solis, at Rhed Bustamante na gaganap bilang Pepsi Paloma.
"Ipaliwanag mo sa akin, magsabi ka sa akin, ipaliwanag mo dahil hindi ko naiintindihan! Pepsi, sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?" tanong ni “Charito Solis” sa teaser.
"Oo!" sagot naman ni “Pepsi Paloma.”
Pagkatapos nito, mababasa rin sa naturang clip ang katagang: "NAGSAMPA NG KASONG RAPE SI PEPSI PALOMA LABAN KAY VIC SOTTO NOONG AUGUST 17, 1982."