Inihayag ng Philippine National Police (PNP) Civil Security Group na isinasagawa na ang administrative investigation laban sa security guard ng isang mall at sa isyung kinasangkutan nito sa isang batang sampaguita vendor.
Sa panayam ng media kay PNP Civil Security Spokesperson Lt. Col. Eudisan Gultiano nitong Huwebes, Enero 16, 2025, pinag-aaralan na raw ang posibleng parusang makaharap ng naturang guwardiya.
“There is a violation of ethical standards, professional security creed and we would also determine whether there is a violation of special laws and if we can add these to the administrative complaint to the SOSIA (Supervisory Office On Security And Investigation Agency),” ani Gultiano.
Ang SOSIA ay isang opisina ng PNP na siyang nakatoka sa pag-iisyu ng mga lisensya sa mga pribadong security agencies.
Saad pa ni Gultiano: "We would invite the security agency because we would want to know whether the rules and regulations on proper decorum and ethical standards are being relayed to their security guards."
Matatandaang, usap-usapan sa social media ang viral video ng nasabing security guard matapos ang tila bayolente niyang pagsita at pagpapaalis sa batang sampaguita vendor sa harapan ng isang mall sa Mandaluyong City.
KAUGNAY NA BALITA: Sekyu ng isang mall, sinibak sa puwesto dahil sa ginawa sa batang sampaguita vendor