“Huwag po kayong mag-alala…”
Ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi raw mababawasan ang serbisyo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), bagkus ay madadagdagan pa raw ito, sa kabila ng “zero subsidy” na ipinagkaloob sa ahensya ngayong taon.
Sinabi ito ni Marcos sa panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, Enero 16.
“Napakasimple lang ng guarantee ko, kahit may subsidy, kahit walang subsidy—hindi mababawasan ang serbisyo ng PhilHealth. Hindi mababawasan ang bayad ng PhilHealth sa insurance claim,” ani Marcos.
“In fact baliktad, padadamihin pa namin ang serbisyong ibibigay ng PhilHealth. Palalakihin pa namin ang pagbayad sa insurance claims.”
Nanawagan din ang pangulo sa publikong huwag mag-alala sa ibibigay sa kanilang insurance claim dahil, aniya: “Walang mababawasan kahit isang kusing.”
“In 2025, mas dadami pa ang magiging serbisyo na ibinibigay ng PhilHealth. Mas lalaki pa ang magiging payment na ibibigay sa insurance claim,” saad ni Marcos.
“Huwag po kayong mag-aalala. Walang mawawala sa serbisyo ng PhilHealth. Mas pinapaganda pa nga namin para mas maraming naibibigay sa taumbayan,” dagdag pa niya.
Matatandaang noong Disyembre 2024 nang katwiranan ni Marcos ang naging desisyon ng Kongreso na bigyan ng “zero subsidy” ang PhilHealth sa 2025, at sinabing sapat naman umano ang pondo ng ahensya.
MAKI-BALITA: PBBM sa ‘zero subsidy’ ng PhilHealth sa 2025: 'They have sufficient funds to carry on!'