Sisimulan na ang produksyon ng historical film na “Quezon,” ang kasunod ng box office hits ng direktor na si Jerrold Tarog na “Heneral Luna” at “Goyo: Ang Batang Heneral.”
Sa isang pahayag ng film production na TBA Studios nitong Huwebes, Enero 16, ibinahagi nitong magsisimula sa Marso ngayong taon ang produksyon ng pelikula na tatalakay sa buhay ni dating Pangulong Manuel Quezon.
“The movie is expected to follow the life of Manuel L. Quezon, a Filipino lawyer and soldier who became the President of the Commonwealth of the Philippines from 1935 to 1944, highlighting his tumultuous presidential campaign against then-President Emilio Aguinaldo,” anang TBA Studios.
Dagdag ng film production, kasalukuyan nang binubuo ang cast ng pelikula.
Nakatakda raw ipalabas ang “Quezon”, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang mga bansa, bago matapos ang taong 2025.
Matatandaang nauna nang inilabas ng TBA Studios ang historical film na “Heneral Luna” na hinirang bilang highest-grossing historical film of all time sa bansa noong 2015 at naging official entry rin ng Pilipinas para sa Best Foreign Language Film sa 88th Academy Awards.