January 16, 2025

Home BALITA National

3 weather systems, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

3 weather systems, nakaaapekto sa bansa – PAGASA
Courtesy: PAGASA/FB screengrab

Tatlong weather systems ang nakaaapekto sa bansa ngayong Huwebes, Enero 16, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Bicol Region, Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, at Romblon.

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms din ang inaasahang idudulot ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa Eastern Visayas, Caraga, Davao Region, Sulu, at Tawi-Tawi.

Samantala, malaki ang tsansang magdudulot ang northeast monsoon o malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cordillera Administrative Region at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley.

National

Southern Leyte, niyanig ng magnitude 4.1 na lindol

Pinag-iingat ng PAGASA ang nasabing mga lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, inaasahan ding magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Ilocos Region, at mga natitirang bahagi ng Central Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers at thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil pa rin sa easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).