Tuwing ikatlong linggo ng Enero, pagkatapos ng Pista ng Jesus Nazareno sa Quiapo, isa pa sa mga inaabangang kapistahan ay Kapistahan ng Santo Niño sa Tondo, Maynila.
Tradisyon o nakasanayan naman tuwing bisperas ng pista ng Santo Niño de Tondo ang Lakbayaw o prusisyong sinasabayan ng nakaiindak na tugtog at sayaw habang ipinaparada ang mga imahen ng Santo Niño.
At isa sa mga inaabangan sa mga ganitong ganap ang grupo ng mga maskuladong kalalakihang kilala sa tawag na "Dancing Macho of Tondo Tribe (DMTT)" dahil sa hubad-baro nilang pagsasayaw sa Lakbayaw.
Bukod nga raw sa mabubusog ang tiyan ng mga makikipamista dahil sa mga handa, tiyak ding mabubusog ang mga mata dahil sa pag-indak nang nakahubad pang-itaas na mga lalaking ito.
Isang vlogger na nagngangalang "Tenten1010 show" ang nagtampok sa pag-eensayo ng Dancing Machos para sa Lakbayaw. Marami sa kanila, talagang pukaw-atensyon dahil sa angking-kakisigan, kaguwapuhan, at mga pa-pandesal sa katawan.
"MASARAP ayyyy MASAYA (pala) ang pyesta sa Tondo ," mababasa sa caption ng vlog.
"Dancing Macho of Tondo Tribe nagpakita ng kakisigan sa kanilang ensayo para sa LAKBAYAW 2025 ."
Sa panayam sa isa sa mga dancer, sinabi niyang walong taon na raw nilang ginagawa ang pagsasayaw sa Lakbayaw, at abangan daw ng mga manonood ang mga line-up ng kanilang sayaw na mas kapana-panabik ngayong 2025.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Ang Saraaappppp Mi! Apollo nasa lakbayaw na! woooohhooo! Sugod mga Aklaaaa! "
"So yan talaga ang aabangan sa kapistahan ng Santo Niño?hahaha. Juskopo!"
"Wala na yung spirit of Sto.Niño sa tondo tlga."
"I love tondo talaga dami gwapo pa enjoy na enjoy kpg lakbayaw na talaga ma"
"Nakakabastos sa kapistahan ng sto. Nino... Kahalayan ang ipinagdiriwang.. Dpat ipagbawal yan ng kura paroko ng sto nino de tondo.. D dapat inaallowed ang ganyang event."
"Ang sarap-sarap naman sa mata hahaha."
"nakakabusog sa tiyan and mata hahaha"
Samantala, noong Enero 23, 2024, naglabas ng opisyal na pahayag at paalala ang Archdiocesan Shrine of Santo Niño - Tondo Manila tungkol sa wastong pagdiriwang ng Lakbayaw.
Nilinaw nilang hindi nila kinukunsinti ang pagsasayaw ng mga walang pang-itaas, at kung magkakaroon man daw ng pagpapakita ng debosyon sa Santo Niño, nararapat daw na ito ay nakalulugod pa rin sa paningin ng Diyos.