Naaresto ng pulisya ang 43 taong gulang na lalaking ginahasa umano ang 4-anyos na anak ng kaniyang pamangkin sa Baseco, Maynila.
Ayon sa ulat ng AS-CBN News, inabot ng 9 na araw bago naaresto ng pulisya ang suspek dahil kinailangan pa raw nitong maospital matapos pagtulungang bugbugin ng kaanak at kaibigan ng pamilya ng biktima.
Sa panayam ng media kay Baseco Police Station Commander PLtCol. Emmanuel Gomez, mismong ang batang biktima raw ang nagsumbong sa kaniyang mga magulang na noo’y naghihinala na rin umano na may mali sa kanilang anak.“Nagsumbong siya sa parents niya. It so happened na yung bata, simultaneously, tinuturo niya yung private part niya, na yun nga daw, hindi naman daw masakit kahit daw hawakan. So nagulat yung parents, kasi ang orientation niya doon sa bata na huwag mo papahawakin yung private part mo.” saad ni Gomez.
Nagkaroon umano ng komprontasyon ang magulang ng biktima sa mismong suspek kung saan inamin daw nito ang panghahalay na ginawa sa naturang bata at iginiit na hindi na raw niya ito uulitin, dahilan upang kuyugin at siya ay mabugbog.
Giit ng suspek: “Ito pong mata malabo po, naapektuhan, tapos yung (tagiliran) may nabali, pag natutulog po ako lagi nasakit. Tapos yung ulo ko po, lagi pong masakit,” saad ng suspek.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si Gomez sa mga magulang na maging alerto sa pagbabantay raw sa kanilang mga anak.“Huwag po natin ipagkatiwala talaga mga anak natin, kasi marami na po talagang kaso dito sa area natin, naa-abuse po because of too much trust and confidence po. It’s either po sa kapamilya, o sa mga kaibigan. So sana ho maging warning and reminder po,” anang Baseco Police Station Commander.