Patay ang isang 25 taong gulang na lalaki matapos magtamo ng saksak sa kaniyang dibdib dahil umano sa paggamit ng basketball court sa Bacoor, Cavite.
Sa panayam ng media kay Bacoor police chief PLtCol. John Paolo Carracedo, nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at ang 63-anyos na suspek tungkol sa paggamit ng basketball court sa kanilang lugar.
Nakakandado raw ang net ng basketball ring sa naturang court kung kaya’y sinubukan daw itong buksan ng biktima. Ito na umano ang naging ugat ng mainit na pagtatalo nila ng suspek na siya mismong nagkandado ng ring.
“So ang ginawa ng suspek hinataw niya ng dos por dos [yung biktima], eh lumaban victim natin so di siya napuruhan. Ang ginawa ng suspek natin umuwi, kumuha ng kutsilyo, sinaksak victim natin,” ani Carracedo.
Agad isinugod ang biktima sa ospital ngunit binawian din ng buhay. Sumuko rin kinalaunan sa mga awtoridad ang suspek kung saan nakuha sa kaniya ang patalim na ginamit sa krimen.
Kadalasan daw naka-padlock ang basketball ring sa kanilang lugar dahil nagiging abala umano sa mga karatig bahay ang ingay ng mga naglalaro dito.
Kaya naman depensa ng suspek: “Marami po sila magkakaibigan na maglalaro sila. So sabi ko sige. Doon sa pagkakakabit ng susi dalawang beses sila umakyat at hindi nila matanggal so para ayun sabi ko nga, 'Akin na nga yung susi' huwag na kayo maglaro. Doon na ako binully-bully sa pagkatanda. Nakakuha po ako ng gatong na mahaba pinalo ko siya dito, tapos nakapagbuno kami nasugat yung tenga ko kasi napunta ako sa area na may pako.”
Matapos ang unang pagtatalo, muli raw nakita ng suspek ang biktima, kaya’t nagdesisyon na raw siyang kumuha ng kutsilyo upang turuan ito ng leksyon.
“Nakita ko kasi yung biktima na parang okay lang sa kanya yung nangyari, sabi ko parang hindi yata maganda baka pagtanda ko eh lalo niya pa ako tiris-tirisin pa. Kumuha ako ng patalim sa bahay,” anang suspek.
Samantala, kasalukuyang nahaharap ang suspek sa kasong murder.